Entry: Alay sa Kawalan Wednesday, December 03, 2008



Wala akong ikukuwento sa araw na ito. Hindi dahil sa wala akong maikwento kundi dahil sa sobrang dami na ng mga nangyari at baka hindi ko maikwento ang iba. Naku, ayokong sila'y magmaktol.

Ngayon ko lang nagpagtanto ang ibig sabihin ng mga emosyong may iba't ibang hugis, kulay, at lasa na pinaghalo-halo na tila toppings ng isang klase ng pizza. Mahirap mang intindihin ang pakiramdam na yun, ang totoo, iisang emosyon lang pala ang pinapahiwatig nun: pangungulila.

Hindi ko lang alam kung ano o kung sino ang principal axis ng pangungulilang iyon. Isang bagay ang sigurado, indikasyon yun na may kulang. May nawawala.

Katulad ngayon. Masaya na ako sa buhay ko ngayon kung tutuusin. Naibibigay ko na sa pamilya ko ang noo'y hinahangad lang namin. Nagagawa ko na ang mga bagay na dati'y gusto ko lang gawin. Ngunit hindi ko masasabing wala na akong hihilingin pa.

Inaamin ko, marami pa rin pala akong frustrations. Ngayon ko lang nabalikan ang mga alaalang pilit kong ibinaon sa limot o sadyang nilimot na ng panahon. Kung bakit ko sila naalala ngayon? Marahil ngayon lang ako nagkaroon ng sapat na tapang na harapin silang muli.

At ngayon, ang ideyang ako'y nangungulila ay tila multong naghahatid ng ibayong nginig sa aking pagkatao. Ngunit napapanahon nang ito'y aking harapin.

Kung ikaw man ang kulang sa buhay ko, kailan pa kaya kita masusumpungan? Kung dati ka nang bahagi ng buhay ko, kailan mo ako babalikan?

   0 comments

Leave a Comment:

Name


Homepage (optional)


Comments