Magpahayag

magkwento ka, kahit ano lang...

email me: akosibatangkalye@gmail.com






Ipagpatuloy ang paglalakad


Ang batang kalye

May konting mali dun sa pangalan ng blog ko. Una, hindi naman talaga ako bata. Ikalawa, hindi ako nakatira sa kalye. Mahilig lang talaga ako maglagalag kung gabi. Gusto ko ang maglakad-lakad at pagmasadan ang paggalaw ng syudad. Minsan din napipilitan akong maglakad kasi wala akong pamasahe. Kalaban ko lang sa aking paglalakad-lakad at pagmumuni-muni ay ang nagkalat na mga aso sa daan at ang ulan na minsan ay walang tigil.

Tahimik lang akong tao. Pero, alam ko naman kung kelan dapat ako magsalita.

Pero mas maigi, magsusulat na lang ako. Kasi kahit hindi naman binabasa ang mga sinusulat mo, hindi ka pagsasabihang baliw. Pero pag nagsasalita ka mag-isa, walang nakikinig sa'yo, daig mo pa ang asong ulol kung kutyain ng ibang tao. Hindi ako sanay sa salitang eksaherasyon.

Tama na nga ang satsat.

Nga pala, welcome sa mundo ko. Dito, libre ang mangarap.



If you want to be updated on this weblog Enter your email here:



rss feed











 
Friday, January 09, 2009
Kaginhawaan
Mahirap maging mahirap.

Naramdaman ko ang desperasyon sa pananalita ng kasamahan kong guro. Sa susunod na taon, marahil sa email o sa telepono ko na lang siya makakausap. Balak niya kasi, mag-abroad para kumita ng pera para sa pamilya niya.

Hindi sapat na mapag-aral mo ang mga anak mo. Hindi ba't gusto natin na gumanda ang buhay natin? Ayaw mo ba ng magandang bahay? Magkano ba ang makukuha mo galing sa gobyerno pagretiro mo? Isang milyon? Dalawang milyon? Para sa mahigit apat na dekada ng pagtuturo? Kaya mong kitain yan sa loob ng isang taon kung sa ibang bansa ka magtuturo? Gusto ko makapapundar ng negosyo para sa kinabukan ng pamilya ko.

Todo ang pangungumbinsi niya sa akin.

Minsan ko nang naipangako na malabong aalis ako ng bansa para magtrabaho. Minsan ko na ring naisulat ang mga saloobin ko tungkol sa pag-a-abroad. At noon, kung kailan iba pa ang pananaw ko sa buhay, halos buo na ang loob kong hindi ako mag-aabroad.

Mahigit isang taon pa lang ako sa kasalukuyan kong trabaho at kakaunti pa lang ang karanasan ko tungkol sa pamumuhay, ngunit masasabi kong may napagnilay-nilayan na rin naman ako. At may mga bagay-bagay na pilit tumutulak sa akin na maghananap pa ng mga mapagkakakitaan at huwag ma-kontento sa pangkasalukuyang kalagayan.

Noong nakaraang pasko, nakatanggap ako ng performance bonus. Pinlano kong bumili na ng sariling kompyuter at magpakabit ng sariling Internet connection. Ngunit, tulad ng inaasahan, kinapos ako. Maraming pinagkagastahan sa bahay at unti-unting naubos ang perang inilaan ko para sa kompyuter. Napagpasyahan kong ipagpaliban na muna ang plano kong iyon.

Marami rin akong plano para sa bahay namin. Gusto ko sanang ipaayos ang kusina namin at makabili ng mga appliances para naman magkaroon din ng laman ang halos bakanteng bahay namin. Ngunit hindi pa rin ako nakakaipon para doon. Kung nagkakaroon man ako ng kaunting sobrang pera, nagagalaw pa rin kalaunan.

Totoo nga ang sabi nila. Kapag nakatikim ka ng kaunting luho, hahanap-hanapin mo ito at mag-aasam ka pa ng higit sa naranasan mo. Nagiging materyoso na nga kaya ako?

Kaya, nung ikinuwento sa akin ng kasamahan kong guro dito ang mga plano niya tungkol sa pag-aabroad, parang umiimpis ang kumbiksyon kong manatili sa bansa at magsilbi sa kapwa. Babaliin ko ba ang aking pangako?

Pero ang pinakamahalagang tanong na pumipigil sa akin sa ano mang plano ng pag-aabroad ay ito: Ano ba talaga ang mahalaga para sa akin? Gusto ko ba talagang maging napakayaman?

Sa palagay ko hindi. Oo, gusto ko rin ng mas maginhawang buhay pero mas maigting ang kagustuhan kong mamuhay ng simple. Naniniwala akong maabot ko pa rin ang masaganang buhay dito sa sarili nating bansa.

Gusto ko pa rin ang pakiramdam ng patuloy na magsikap para matugunan ang pangangailangan. Ang pangarap ay ang isang bagay na nagbibigay sa atin ng inspirasyon sa maikli nating pananatili dito sa mundong ibabaw. Kung ngayon din ay naabot na natin ito, ano pa ang kahalagahan ng buhay? Ano pa ang dahilan natin upang gumising pa kinabukasan?

Posted at 04:22 pm by aclworld
Magmuni-muni  

 
Wednesday, December 03, 2008
Alay sa Kawalan
Wala akong ikukuwento sa araw na ito. Hindi dahil sa wala akong maikwento kundi dahil sa sobrang dami na ng mga nangyari at baka hindi ko maikwento ang iba. Naku, ayokong sila'y magmaktol.

Ngayon ko lang nagpagtanto ang ibig sabihin ng mga emosyong may iba't ibang hugis, kulay, at lasa na pinaghalo-halo na tila toppings ng isang klase ng pizza. Mahirap mang intindihin ang pakiramdam na yun, ang totoo, iisang emosyon lang pala ang pinapahiwatig nun: pangungulila.

Hindi ko lang alam kung ano o kung sino ang principal axis ng pangungulilang iyon. Isang bagay ang sigurado, indikasyon yun na may kulang. May nawawala.

Katulad ngayon. Masaya na ako sa buhay ko ngayon kung tutuusin. Naibibigay ko na sa pamilya ko ang noo'y hinahangad lang namin. Nagagawa ko na ang mga bagay na dati'y gusto ko lang gawin. Ngunit hindi ko masasabing wala na akong hihilingin pa.

Inaamin ko, marami pa rin pala akong frustrations. Ngayon ko lang nabalikan ang mga alaalang pilit kong ibinaon sa limot o sadyang nilimot na ng panahon. Kung bakit ko sila naalala ngayon? Marahil ngayon lang ako nagkaroon ng sapat na tapang na harapin silang muli.

At ngayon, ang ideyang ako'y nangungulila ay tila multong naghahatid ng ibayong nginig sa aking pagkatao. Ngunit napapanahon nang ito'y aking harapin.

Kung ikaw man ang kulang sa buhay ko, kailan pa kaya kita masusumpungan? Kung dati ka nang bahagi ng buhay ko, kailan mo ako babalikan?

Posted at 10:11 pm by aclworld
Magmuni-muni  

 
Saturday, November 08, 2008
Pamaskong Puno

Malabo na sa alaala ko ang mga nagdaang paskong mayroon kaming Christmas tree sa bahay. Pero, at least, naaalala kong nagkaroon din kami noon.

Hindi naman siguro basehan ang pagkakaroon ng Christmas Tree sa kaligahayan ng isang tahanan. Marahil, karangyaan nga lang ito. Ang totoo, para sa iba, ang laki ng Christmas Tree and sukatan ng yaman. Lumaki kasi ako sa paniniwalang kapag may Christmas Tree, mayaman.

Noon, may Christamas Tree kami pero hindi ibig sabihin mayaman kami dati. Naku, pawid nga lang ang bubong ng bahay namin noon, eh. Ang isa sa mga ate ko kasi ang naghahanda nun dati. Pero umpisa noong nawala na siya sa bahay namin, di na rin kami nagdi-display ng Christmas Tree.

Naging normal na na wala kaming Christmas Tree tuwing pasko. May mga taon ding napakasimple lang ng aming Noche Buena. Minsan nga, nakikisalo lang kami sa mga kapatid kong may pamilya na. Pero hindi ibig sabihin nun na hindi masaya ang mga paskong iyon.

Dumaan din kami sa matinding hirap, lalo na nitong mga nakaraang buwan. Nagipit kami sa pera, naging magulo ang aming tahanan, namatay ang Tatay ko. Ngunit sa kabila ng lahat ng iyon, nabubuhay pa rin kami ng masaya kapiling ang pamilya.

Noong nakaraang linggo, naisipan kong bumili ng Christmas Tree, yung maliit lang. Para sa akin, simbolo iyon ng pasasalamat sa mga biyayang ibinigay sa amin ng Diyos sa loob ng maraming taon. Kahit simpleng bagay lang ito, alam ko, kaligayahan ang hatid nito sa buong pamilya ko.


Posted at 10:54 pm by aclworld
Magmuni-muni  

 
Saturday, September 13, 2008
badtrip

Minsan, okey lang din naman pala kapag badtrip ka. Dami mong naiisip. Para kang isang totoong pilosopo. Malayo ang tinatanaw. Matayog ang lipad ng isip.

Samu't saring imahe. Halo-halong ideya.

Gustuhin ko mang palaging nag-iisip at umiwas sa katotohanan, di ko kayang palaging nabadbadtrip. Masakit din. Di ko kaya ang tensyon. Yung parang laging naginginig. Sa galit. Sa poot. Na halos matuyo ang dugong nagpupumiglas sa iyong mga mga ugat.

Nais ko rin sanang mamaalam na lang ng tuluyan. Marahil sa kabilang dimensyon ay mapayapa ang isip. Malayang makapaglayag saan man naisin.

 


Posted at 12:07 am by aclworld
Magmuni-muni  

 
Thursday, July 24, 2008
'Kala Ko Lang Pala

Nung nasa kolehiyo pa lang ako, atat na atat na akong magtrabaho kaya di ko na masyadon sineryoso 'yung pag-aaral. Sa isip ko kasi nun, parang chicken na masyado 'yung ginagawa namin sa eskwela at pwede ko namang matutunan yung mga 'yun kapag nasa workplace  na ako. Ewan ko ba sa mga eskwelahan. Daming itinuturo, irrelevant naman.

Nung gumradweyt na ako, 'kala ko magiging okey na ang buhay, mabibili ko na lahat ng gusto ko, magagawa ko na lahat ng gusto ko, mapupuntahan ko na lahat ng lugar na gustuhin ko.

Ngayong nagtatrabaho na ako, na-realize ko, hindi pala ganun kadali ang lahat. Kailangan talaga ng sipag at tiyaga, galing at talino, at tibay ng loob. Haha. Pero totoo 'yun.

Pwede kayang mag-aral na lang ako ulit?


Posted at 12:20 am by aclworld
Magmuni-muni  

 
Tuesday, July 22, 2008
peace of mind

Sabi nila, young peace of mind daw isa sa kinakailangan ng mga tao these days. Ito 'yung paggiging magaan ng pakiramdam, nagagawa mo ng tama ang mga bagay na dapat mong gawin dahil nakakapag-isip ka ng maayos.

Kaya sinubukan kong pumunta sa botika kung meron silang gamot na makakapagbigay ng peace of mind. Wala raw sabi nung pharmacist. Gamot lang daw sa sakit ng ulo.

Biro lang.

Pero sana may mapagbibilhan ng peace mind. Pwede rin naman kahit yung injectable. Sana meron.

Haay....

Namimiss ko nang gumala sa kalye. Sa paglalakad-lakad lang kasi ako nakapag-isip ng maayon. Pero mukhang hindi ko na siya magagawa ngayon. Maliban sa halos wala na akong oras para dito, delikado pa ang mga kalye dito sa amin--ang daming iba pang maga palaboy. Yung mga tipong nanghaharas. Nakakatakot.

Sino may extrang peace of mind d'yan? Pa-share naman.


Posted at 12:06 am by aclworld
Magmuni-muni  

 
Monday, June 09, 2008
Sa Pilipinas Kong Mahal Lahat

Ang bayan ko'y tanging ikaw
Pilipinas Kong Mahal
Ang puso ko at buhay man
Sa iyo'y ibibigay

Tungkulin kong gagampanan
na lagi kang paglingkuran
Ang laya mo'y babantayan
Pilipinas kong Hirang...

Ang nasa itaas ay ang titik ng awiting Pilipinas Kong Mahal. Alam na lam ko pang kantahin ang awiting ito. Naaala ko, kinakanta namin 'to araw-araw nung nasa elementarya pa ako. Ito 'yung kanta pagkatapos ng Panatang Makabayan. Ako nga yata ang may pinakamalakas na boses kapag kinakanta 'to. Yung nga lang, wala sa isip ko kung ano man ang ibig sabihin ng mga linya.

Ngayon ko lang ulit pumasok sa isip ko ang nasabing awitin dahil sa mga poster na nakakabit kung saan-saan. Sabi ko, may kanta yatang ganyan ang pamagat ah. Ma-Google nga. At presto, ayan nga ang lyrics at paulit-ulit kong kinakanta.

Napaisip din ako, meron pa kayang nagmamahal sa Pilipinas? May nabasa akong blog na ang tawag niya sa Pilipinas ay Third World lang, at minsan nama'y Land of the Rice Eating people, na tila bang ayaw niyang isali ang sarili sa kung ano man ang implikasyon ng pagiging Pilipino. Nabasa mo rin ba ang lampoon entry tungkol sa mga Filipino sa Uncyclopedia.org? Kung hindi pa, i-click mo yung link. Nabasa mo na? Masakit tanggapin no, pero minsan totoo rin yun. Konti.

Pero ang ms masakit, sarili nating kababayan at naturingan pa naman mga lider ay ginaGAGO tayo. Kita mo 'yung poster ni Gloria sa may opisina ng NFA na nagsasabing "labanan ang kahirapan" at may litrato niyang abot tenga ang ngiti? Nakakapanggalaiti sa inis. Para kasing gustung-gustong niya ang nangyayari.

Ano ba ang dahilan ng paghihirap ng mga Pilipino ngayon? Ang kahirapan ay masusugpo sa pamamagitan ng pamumudmod ng kakaunting salapi para sa fertilizer, pangontra sa Meralco system loss charge, at kung anu-ano pa?

Parang pinaglalaruan lang ang mga Pilipino.

Mahal nga siguro natin ang Pilipinas. Mahal nga siguro ng mga lider ngayon ang Pilipinas. Mahal nila ang Pilipinas dahil sa yaman na maaari nilang makamkam mula dito. Mahal nila ang Pilipinas, hindi ang Pilipino.

Nakakaawa tayo. Maligaya ba ang Araw ng Kalayaan?


Posted at 03:20 pm by aclworld
Magmuni-muni  

 
Thursday, May 29, 2008
Si Merry Rose

Nakakatuwa yung minsang nagkikita-kita kayo ng mga ka-klase mo sa elementarya. Magkukumustahan. Magtatawanan. At magbibilangan kung anu-ano ang mga nagbago--sa pananamit, pananalita, pag-uugali, at kung anu-ano pa.

Pero minsan nakakabalisa rin ang mga pagkikitang ito. Katulad nung minsang magkabungguan kami ni Merry Rose sa isang mall. Kaklase ko siya sa elementarya. Nakakapareha ko siya dati sa Folk Dance. Magaling siyang sumayaw. At lagi akong nako-conscious bilang partner niya kasi siya ang laging tinitingnan. Kaya kung di ko memoryado ang mga dancestep. Patay. Kita talaga.

Si Merry Rose yung tipong nagpapaniwala sa mga kwento-kwento kagaya ng mga kwento tungkol sa aswang ang kung anu-ano pa. Kaya laging nakapaikot sa kanya ang mga ka-klase namin para makinig sa kung ano na namang adventure ang narinig niya.

Mahirap lang din ang pamilya ni Merry Rose. Nakatira sila dati malapit sa isang natuyong sapa. Kapag umuulan ng malakas, naaabot ng tubig-baha ang bahay nila. Kaya umaabsent siya. Minsan, naikwento rin niya na sa natuyong sapang iyon ay may nakita siyang batang kapapanganak lamang at isinilid sa sako. Isinama pa nga niya kami sa punerarya nung inilagak na doon ang bangkay ng bata. Nakakapangilabot.

Magkaiba na kami ng pinasukang paaralan nung hayskul. Kaya wla na akong masyadong naririning tungkol sa kanya. Nakita ko lang siya minsan sa isang dancesport competition. Pagkatpos noon. Wala na. Hanggang makatapos ako sa kolehiyo di ko na siya nakita pa.

Habang naglilibot ako sa isang mall kamakailan lang, nakasalubong siya. Nakilala ko pa rin siya kahit ibang-iba na ang itsura niya. Malayong-malayo sa inaasahan ko. Tumaba siya. Magulo ang buhok. Kulang na rin ng isa ang ngipin niya sa itaas.

"Hi, Merry Rose!" Bati ko sa kanya. Isang hilaw na ngiti naman ang ganti niya. "Kumusta?" Ipinagpatuloy ko.

Iniharap niya sa akin ang batang kalong-kalong niya sabay sabing, "Eto, may tropeo na."  Masakit para sa akin ang makita ang isang taong kino-comfort ang sarili. Halos maluha rin ako habang nakikitang siyang pinipilit ang pag-ngiti.

Ibinaling ko ang atensyon sa bata. "Saan si Papa, baby?" "Nalunod sa sabaw," si Merry Rose ang sumagot.

Hindi naman kawawa ang tingin ko sa kanya. Hindi rin mataas ang tingin ko sa sarili. Pero wala akong magagawa kung mababa talaga ang tingin niya sa sarili. Napaka-awkward talaga ng sitwasyong iyon. Nangumusta rin siya tungkol sa akin pero di na ako nagsalita pa ng matagal. Sabi ko lang, "Kakagradweyt ko lang."

Maya-maya pa, nagpaalam na kami sa isa't isa.


Posted at 06:54 pm by aclworld
Magmuni-muni  

 
Monday, May 26, 2008
Lateran

Alam mo ba kung ano yung lateran? Eh, yung chuteran? Halika ka sa bahay namin at nang may matutunan ka.

Wala talagang kapalit ang tuwang hatid ng mga bata sa bahay.
Simula noon pa, malapit na ako sa mga bulilit kong pamangkin. Kahit nasa kolehiyo na ako noon, nakikipaglaro pa ako sa kanila at nakikipaghabulan sa ulan. Nakikipag-usap din ako sa kanila na parang interesado talaga ako sa mga pinagsasasabi nila. Nakakatuwa nga ang simpleng pag-iisip meron sila. At yung honesty, talagang ayus. Walang euphemism. They call a spade spade.

Pero bilib din ako sa kanila kung paano sila tumatanggap ng pagkakamali.
Kakain na kasi kami noon, at wala pa ang mga bata. Kaya inutusan ko ang isa sa mga nakakatanda kong mga pamangkin na tawagin sila. Ilang minuto pa’t patakbo na silang dumating sa kusina. Kaya kunwari galit akong tinanong sila, “at ‘san kayo nanggaling?”

Si Jhazztin, 5 taon, ang sumagot, “Sa lateran.”

Nagtawanan ang lahat. Pati ako, di ko mapigilan at napangiti rin. Ginulo ko ang buhok ni Jhazztin, na noo’y tawang-tawa rin. Sabi ko, “Kompyuteran, hindi lateran. ”At sagot n’ya naman, “Ah, chuteran.”

Kaya ayun, napasarap ang kainan namin.


Posted at 02:56 pm by aclworld
Magmuni-muni  

 
Thursday, May 22, 2008
Babangon Ako at Dudurugin kita

Ganyan usually ang linya ng mga losers. Sila 'yung mga tipong hindi marunong magpatawad at laging handang gumanti kung sakali sila man ay saktan ng kung sino.

Masaya ako at nalaman kong hindi ako ganung tao. Na hindi ako isang loser. Oo, nasaktan ako pero tinanggap ko yun at ipapaubaya ko na sa Kanya ang paghihigante. Ayoko na gumawa pa ng makakasakit sa kapwa. Maging tayo man ang pinakamatapang dito sa mundong ibabaw, at kaya nating apak-apakan ang ibang tao, sa huli, pare-pareho pa rin tayong mamamatay. At mas kawawa pa nga ang mga gumagawa ng masama dahil sa kabilang buhay ay magsu-suffer sila ng walang hanggan. Hala kayo!

Ngayon, natapos na rin ang konting unos sa buhay ko. Handa na ako ngayong harapin kung ano pa man ang mas malalaking problemang maaaring kong makasagupa sa hinaharap. Kung baga, unti-unti na akong bumabangon at humanda ang mga nag-api sa akin at pupuunuin ko kayo ng pagmamahal.

Isang mapayapang araw sa inyo!


Posted at 05:52 pm by aclworld
Magmuni-muni  

Previous Page Next Page