Magpahayag

magkwento ka, kahit ano lang...

email me: akosibatangkalye@gmail.com






Ipagpatuloy ang paglalakad


Ang batang kalye

May konting mali dun sa pangalan ng blog ko. Una, hindi naman talaga ako bata. Ikalawa, hindi ako nakatira sa kalye. Mahilig lang talaga ako maglagalag kung gabi. Gusto ko ang maglakad-lakad at pagmasadan ang paggalaw ng syudad. Minsan din napipilitan akong maglakad kasi wala akong pamasahe. Kalaban ko lang sa aking paglalakad-lakad at pagmumuni-muni ay ang nagkalat na mga aso sa daan at ang ulan na minsan ay walang tigil.

Tahimik lang akong tao. Pero, alam ko naman kung kelan dapat ako magsalita.

Pero mas maigi, magsusulat na lang ako. Kasi kahit hindi naman binabasa ang mga sinusulat mo, hindi ka pagsasabihang baliw. Pero pag nagsasalita ka mag-isa, walang nakikinig sa'yo, daig mo pa ang asong ulol kung kutyain ng ibang tao. Hindi ako sanay sa salitang eksaherasyon.

Tama na nga ang satsat.

Nga pala, welcome sa mundo ko. Dito, libre ang mangarap.



If you want to be updated on this weblog Enter your email here:



rss feed











 
Wednesday, February 06, 2008
kumikitang kabuhayan

Noong una akong mag-blog. Ang tanging layon ko ay upang maibahagi ang laman ng aking puso at isipan. Walang-wala sa isip ko na maaari pala akong kumita!

Natanggap ko ngayong araw ang ikalawang kita ko sa pagba-blog. Hindi naman ganun ka-laki pero malaki na rin siya sa kaunting effort na ibinuhos ko. Sapat lang na may pambayad sa kuryente, pambili ng mga personal na gamit, pang-ulam kanina, at ipinahiram sa kapatid.

Nakakatuwa talaga na maaari kang kumita sa paraang uupo ka lang sa harap ng kompyuter at magsulat. Naalala ko tuloy ang isinulat ni pareng Bob Ong tungkol sa isang webpage designer nang tinanong siya ni San Pedro kung ano ang trabaho niya. Nang sinagot niya ang tanong nagtanong uli sa San Pedro kung anong klaseng trabaho yun at para saan yung trabaho. Iba na talaga ang mundo. Hinding-hindi talaga naisip ni Rizal o ni Einstein na darating ang panahong ganito. Sa totoo lang, kung seseryosohin ko 'tong pagboblog maaaring mas malaki pa ang kikitain ko mula dito kesa sa day job ko.

Maligayang Araw nga Pala ng mga Puso sa inyong lahat na may puso. Sa mga walang puso, ayus lang yan. Isipin nyo na lang ham 'yan. Sa muli, Happy Valentine's Day sa lahat!


Posted at 08:58 pm by aclworld
May (8) Nagbigay ng Kuru-kuro  

 
Thursday, January 03, 2008
ang kuya kong pasaway

Bagong Taon, Bagong Buhay.

Kay sarap pakinggan ng mga katagang ito. Subalit and wikaing ito ay walang kahulugan sa isan kong kuya. Kasi naman, tatlong bagong taon ding puro problema ang dala niya sa pamilya namin. May naisip nga akong oxymoron sa Ingles upang ilarawan ang kanyang naging ugali, consistently erratic.

Noong January 2006, nagdala siya ng babae sa bahay. At hindi lang basta pasyal ang ginawa nila. Alam mo na ang ibig kong sabihin. Eto ang ebidensya.

Noong January 2007 naman, pag-uwi ko sa bahay bitbit-bitbit ang mga pinamili ko para sa tindahan namin, nadatnan ko na lang ang refrigerator namin na may dimples na. Yun pala, sinuntok niya dahil nag-away sila ng ate ko.

Nitong bagong taon naman, lasing siyang pumasok sa bahay at habang tulog ako'y nakipag-agawan pala ang nanay ko sa kanya ng baril. May kaaway raw kasi siya at gustong gantihan. Pagkatapos nun ay tatakas daw siya papunta sa kamag-anak namin sa ibang lugar. Di na ako sumali sa gulo lalo na nang marinig ko ang isyu na walang nagmamahal sa kanya sa bahay namin. Feeling niya kasi blacksheep siya.

Next year kaya, ano na naman?


Posted at 09:46 pm by aclworld
May (15) Nagbigay ng Kuru-kuro  

 
Wednesday, December 12, 2007
wala ka kwenta

Huwag n'yo po sana akong husgahan matapos basahin ang pamagat ng sulating ito. Hayaan n'yo pong himay-himayin ko ang bawat salitang bumubuo sa pahayag na "wala ka kwenta."

Ang salitang wala ay maaring ituring na isang pang-abay na pananggi o isang salitang pangkaroon na ginagamit sa mga pariralang eksistensiyal. Ang salitang ka naman ay isang panghalip na nasa ikalawang panauhan. Samantalang ang salitang kwenta naman ay isang pangngalan na kasingkahulugan ng mga salitang halaga, o bilang, at katumbas ng salitang value sa Ingles.

Kung pagsasamahin ang mga salitang "wala, " "ka," at "kwenta," makakabuo ka ng isang pahayag na hindi nararapat binibigkas ng mga taong may pinag-aralan or ng mga taong tunay na nakakaunawa sa halaga ng bawat tao.

Naku po, hindi ako nagalit nang makita ko ang pahayag na iyan sa tagboard  na makikita sa kaliwang bahagi ng blog na ito. Sa halip, napaisip ako.

Isa akong advokeyt ng kalayaan sa pamamahayag kaya itinuturing ko ang mga bagay na tulad niyon bilang pagmamalas lamang ng kalayaan ng bawat isa na ipahayag ang kanilang mga saloobin at katwiran, maging ang mga ito ma'y bunga ng malalimang pag-iisip, malawakang pagsasaliksik, o simpleng sambitla lamang.

Sa aking karanasan, hindi lang miminsan akong nakatagpo ng mga taong hindi ginagamit sa tama ang kalayaang ito. Kung kailan binigyan ng pagkakataon ipahayag ang damadamin, noon din nagsasalita ng walang kabuluhan.

Hindi po ako maaaring sumang-ayon sa nais iparating ng taong tinatawag ang kanyang sarili na iyot (salitang cebuano para sa pagtatalik). Kung ako (malamang) man po ang tinutukoy niya na walang kwenta, hindi ko iyon maaaring tanggapin. Narito po ang aking mga argumento:

Sa siyentipikong pananaw, ang katawan ng tao ay binubuo ng mga selula (cells). Ang cells ay binubuo rin ng mga mineral at kemikal na mayroong market value. Ayon sa pag-aaral ang katawan ng tao ay may halagang 45 milyon dolyares kung ibebenta ang bone marrow at mga organ nito.

Sa humanistikong pananaw ni Montaigne, ang bawat tao, maging siya man ay ordinaryo lamang ay makagagawa ng maraming posibildad at may kakayahang magkamit ng mga bagay na nasa mataas na antas. Sa kasong ito, hindi pa batid nitong taong nagiwan ng kumento sa tagboard na ito ay aking mga nagawa, ginagawa, at maaari pang magawa. Samakatuwid, ang kanyang pahayg ay walang basehan at siya ay wala sa katayuan upang ikulong sa tatlong salita ang aking pagkatao.

At higit sa lahat, bilang mga Kristiyano, pinaniniwalaan natin na ang bawat isa ay mahalaga sa mata ng Diyos. Bawat tao ay may dignidad na hindi maaaring kunin sa kanya ninuman. At ang dignidad na ito ay dahil ang tao ay nilalang na kawangis ng Diyos (Genesis 9:6).

Hindi ko rin hinuhusgahan ang taong nagsabi ng pahayag na iyon. Sa halip ako ay nagpapasalamat dahil lubos ko pang naunawaan ang kahalagahan ng bawat tao. Sana kayo na pinagtiisang basahin ang sulating ito ay nakapulot din kahit papaano ng kaunting aral.

Ang paghuhusga sa kapwa or prejudice ay hindi isang mabuting pag-uugali. Iwasan po natin ito at tayong lahat ay magiging mapayapa at maligaya.

Maligayang Pasko mula sa Batang Kalye!


Posted at 11:15 pm by aclworld
May (8) Nagbigay ng Kuru-kuro  

 
Thursday, November 29, 2007
Paulit-ulit

If you do not learn from history you are bound to repeat it.

Iyan ay isang sikat na kawikaan tungkol sa katangahan at pagtatanga-tangahan...at ito ay muli na namang isasabuhay ng mga Pilipino.

Noong ika-23 ng Setyembre 1972, itinaas ng diktador na si Marcos ang isang curfew or ang pagbabawal sa sinumang may balak gumala sa gabi. Ipinasara niya mga tanggapan ng midya at ipinahuli ang mga kalaban sa pulitika.

Ngayon, ika-29 ng Nobyembre 2007, itinaas ng gobyerno ni Gloria ang isang curfew matapos pasabugan ng tear gas at ipahuli ang ilang militar na naglunsad ng isang stand-off, at ilang mamamahayag na nakaantabay sa mga pangyayari.

Noong ika-23 ng Hulyo 2003, minsan na ring nagpakita ng di-pag-sang-ayon sa pamamalakad ng gobyerno ang grupong Magdalo sa pangunguna ni dating Navy Ltsg. (ngayon ay Senador) Antonio Trillanes sa pamamagitan ng Oakwood Mutiny.

Ang pangalan ng grupong Magdalo ay hango sa isang paksyon ng Katipunan noong kapanahunan nina Aguinaldo at Bonifacio (na ang kamatayan ay ipagdiriwang bukas).

Paulit-ulit.

Sa aking palagay, may natutunan ang mga pulitiko ngayon mula sa nakaraan--natutunan nilang mas gusto ng Pinoy ng mga karanasang nauulit; It's sweeter the second time around, ika nga.


Posted at 11:16 pm by aclworld
May (11) Nagbigay ng Kuru-kuro  

 
Monday, October 29, 2007
ganito sila bumoto

Ikatlong beses ko na itong bumoto bilang kasapi ng mamamayang Pilipino. Ang unang pagkakataon ay noong nakaraang eleksyon para sa Sangguniang Kabataan noong labinlimang taong gulang pa lamang ako. Ang ikalawa naman ay nitong 2007 midterm election lamang.

Sa mahigit 70 kadidato sa pagka-kagawad sa aming baranggay, kakaunti lamang ang personal kong kilala. Kaya, minabuti kong magtanong-tanong kung sinu-sino ang napupusuang kandidato ng mga kapamilya at kapitbahay ko.

Nakapagsagawa na rin ako, kasama ang ilang kabataang lider, ng voters education noong Pebrero hanggang Abril nitong taon. Ngunit, nitong mga nakaraang ko lang mismong nasaksihan ang pamamaraan ng marami sa atin sa pagpili ng kanilang mga kandidatong iboboto.

Narito ang ilan sa kanila:

Dahil sa Utang na Loob

Si Aling Lalang ay namatayan ng anak mahigit 15 taon na ang nakalipas. Isa sa mga tumulong na maisaayos ang libing ng kanyang anak ay si Mang Nabo. Kaya, ganuon na lamang pangangampanya nyang iboto ang huli sa eleksyon.

May sakahan si Mang Nardo. Isa lang ang lagi niyang pinagbebentahan ng mga ani mula rito. Lagi siyang umuutang sa pinagbebentahan ng produkto at ang bayad ay binabawas ng paunti-unti sa kita niya mula sa kanyang ani. Lagi siyang pinapautang ng may-ari tuwing may kailangan siya. Takbuhan niya niya na ito tueing may problemang pinansiyal. Ngayong tumakbo ang anak ng negosyante, todo suporta si Mang Nardo rito.

Boto Dahil sa Karakter

Marami ang boboto kay Mang Lando dahil lagi siyang tumutulong sa mga nangangailangan. Nung magkulang ang pamasahe ni Aling Bebeng sa jeep minsan, si Mang Lando raw ang boluntaryong nagbayad. Binayaran naman daw ito ni Aling Bebeng nang magkita uli. Sabi ni Aling Bebeng tanda raw iyon na si Mang Lando ay isang mabuting tao.

Ayaw namang iboto ni Mang Pol si Mang Dodoy. Si Mang Dodoy kasi ay minsang nagtali ng kanyang alagang baka kahit bawal. Kinuha ng pulis ang kanyang baka. Sinugod raw ni Mang Dodoy ang headquarters dala-dala ang sarili niyang armas.

Ayaw namang iboto ni Aling Bebeng si Randy, isang batang kandidato. Mayabang raw kasi ito. Nagtatrabaho itong si Randy sa LTO. Hinuli raw nitong si Randy ang anak sa kasong pagmamaneho ng walang lisensya. Na-impound daw ang motor at pinagbayad ng 750 pesos nung araw ding iyon sina Aling Bebeng sa kabila ng paliwanang na makukuha naman daw ng anak lisensya nito kinahapunan. Ani Aling Bebeng, "Parang hindi siya kababayan. Walang pakisama."

Dahil sa Kadugo

Tumakbo sa pagka-kagawad ang isang pinsan ko. Dating siyang SK chairman at ngayon ay 21 taon na. Pwede nang maging kagawad sa baranggay. Wala ba akong kwentang pinsan kung hindi ko siya iboboto dahil hindi ako bilib sa kakayahan niyang maging baranggay kagawad?

Isang clan ng mga pulitiko ang may kandidato sa halos lahat ng posisyon sa lokal na pamahalaan at sa baranggay. Gawain nila na iparehistro ang mga kapamilya dito sa aming lugar kahit na sila ay nakatira sa ibang lugar. Tuwing eleksyon, dumadayo pa ang mga ito dito sa amin para bumoto.

Dahil sa Benepisyong Pwede Makuha Mula sa Kandidato

Marami din ang bumoboto dahil sa mga bagay na maaaring maitulong sa kanila ng kandidato.

Iboboto ni Jun ang kaibigan para may tao nang tutulong sa kanya kung sakaling may transaksyon siya sa baranggay at sa kung saan mang ahensiya.

Halos ganito rin ang rason ng marami kung bakit nila ibinoboto ang mga taong malapit sa kanila.

Ito ay base laman sa aking obserbabsyon. Marahil ang mga ito ay totoo rin sa iba pang panig ng bansa. Hindi ko naman sinasabing ang mga ito ay maling paraan. Maari pa nga na ito ang tinatawag na voting wisely. Ang mga ito ay mga katotohonang nagdidikta ng kinabukasan ng bawat unit ng lipunan.


Posted at 09:59 pm by aclworld
May (17) Nagbigay ng Kuru-kuro  

 
Friday, August 31, 2007
kape sa tag-ulan

Kunyari kasali ako sa isang promo ng isang coffee product sa radyo. Ikukuwento ko raw ang pinaka-memorable kong karanasan tungkol sa kape at tag-ulan. (Nangyari ipo ito sa totoong buhay.) Eto yun:

Umuulan nang hapong iyon, mga sampung taon na ang nakalipas. Hawak ng tatay ko ang kapeng pumapawi sa pagod niya pag-uwi niya sa aming munting dampa galing sa bukid. Sa bawat paghigop niya ng mainit at kulay gintong-itim na likido, naaaninag ko ang pagliwanag ng kanyang mukha na parang ang bawat guhit ng katandaan sa kanyang noo ay isa-isang nabubura.

Habang tuwang-tuwa ako sa pagmamasid sa tatay ko, ito namang aking kuya ay bigla na lamang sumulpot galing sa kung saan piningot ang aking ilong. Siyempre, bilang isang batang  nagbibigay halaga sa hustisya, ginantihan ko siya ng suntok at sipa. Gumanti rin siya. Gumanti ulit ako ngunit sa pagkakataong ito, nakailag si kuya. Maliksi kasi siyang kumilos kaya bago pa siya abutin ng aking kamao ay narating na niya ang kinapupuwestuhan ng tatay ko at ipinanligo ang isang tasa ng mainit na kape. Dahil sa mainit na sensasyong dulot ng mainit na kape sa balat ni kuya ay napalundag-lundag siya at napasigaw.

Noong hapon ding iyon, nakatanggap kami ng tigtatatlong hagupit ng sinturon.

Pwede kayang isali ang kwentong ito? Hehe. Malay natin manalo pa ako ng pagkarami-raming supot ng kape. :)


Posted at 04:42 pm by aclworld
May (12) Nagbigay ng Kuru-kuro  

 
Monday, August 13, 2007
mga alaala ng kahapon

Naalala nyo pa ba ang mga escapades noong elementary? Ang mga titser na kinatatakutan, ang unang natutunan sa silid aralan at ang mga kaklase na naging kalaro.

GRADE I- Pumasok ako ng late sa klase noon (Imagine, my culture of tardiness began as early as grade one!). Naabutan ko ang mga ka-klase kong kumukopya ng mga nakasulat sa pisara. At ayun, inilabas ko rin ang kwaderno ko at nag-umpisang magsulat. Nung mabasa ko ang salitang "kilos," tawa ako ng tawa. Kinukulit ko ang mga ka-klase ko noon. Saway rin ng saway ang titser namin pero hindi pa rin ako natinag. Na-associate ko kasi ang salitang "kilos" sa bigas, pako, at kung anu-ano pang mabibili sa tindahan na tinitimbang. Ayun, pinagwalis ako ng titser ko sa labas ng klasrum bilang parusa.

GRADE II- Buwan ng Wika noon. Ako ang kalahok ng aming klase sa pag-awit ng kundiman. Maalaala Mo Kaya ang piyesa. Nakapagpraktis din naman ako ng ilang araw sa tulong titser ko. Nung araw ng kompetisyon, kabadung-kabado ako; isa yun sa mga unang contest na nasalihan ko. Nasa entablado na ako at inaantay ang tamang pagkakataong bumitaw ng letra ng kanta nang mapansin kong tingin ng tingin ang isa sa mga hurado sa tuhod ko. Hindi ko alam kung ano ang frequency ng oscillation nun pero kapansin-pansin talaga, sigurado. Sa kalagitnaan ng kanta, wala nang lumabas na letra sa bibig ko. Makailang ulit din akong  pumiyok nun. Haay…buti na lang sa ganoong edad ay natutunan ko na ang ilang importanteng coping skills at hindi ko naisipang mag-suicide. Pero nung grade three nanalo na ako at 'yung Flor Contemplacion song ni Aling Nora ang piyesa ko. Kaya n'yo yun?


GRADE III- Hindi ko maitatangging paborito ako ng titser ko nung Grade 3. At paborito ko rin siya. Binibigyan niya kasi ako minsan ng pagkaing itinitinda niya tuwing recess time. Maliban dun,  nagbibigay din siya ng pabuya: limang piso para sa bawat nakaka-perfect ng exam. Hindi sa pagmamayabang, tiba-tiba ako noon tuwing periodical exam; nakakabili ako ng ulam para sa bahay namin. Pero hindi rin naman ako ang first honor. Sabi nung titser ko sa Tatay ko, hindi raw kasi ako nagsusubmit ng projects. Nung grade three ko rin unang napansin na halaos kalahati ng araw naming sa eskwela ay ginagamit namin sa paghahardin. Linis dito, linis doon. Hakot dito, hakot doon. Sana credited din yun para sa mga ka-klase kong kumuha ng Agriculture sa college.

Grade three din ako nun nung una akong sumali sa iskawting. Sunud-sunod na yun hanggang hayskul. Pagbalik ko sa klasrum galing sa camp, sabi ng titser ko, dapat Michael na raw ang pangalan ko, short for May Kililing (may topak). Tama ba naman yun? Ang ingay ko na kasi sa klasrum simula nun.


GRADE IV- Nung grade four naman unang lumabas ang ugali kong mahilig mamintas sa iba. Buntis kasi ang titser namin kaya kailangan niyang mag-leave. May pumalit sa kanya. Minsan, binigyan kami ng proyekto nung substitute teacher. Isinulat niya sa pisara ang mga materyales. Nakasulat dun ang iba't ibang bagay. Pero nakuha ng "playwood" ang atensyon ko. "Ahh…plywood," sabi ko nung nalaman ko kung anong bagay yun. Simula nun, lagi ko nang hinahanapan ng mali ang substitute teacher. Bad.

Nung grade four din ako unang nakalahok sa regional contest ng science fair. Yun ang pinkaunang malayu-layong lugar na napuntahan ko ng libre. Sa Mati, Davao Oriental ang venue. Tuwang-tuwa ako nun kasi first time kong humawak at magbudget ng two- hundred pesos; allowance yun na bigay ng kuya ko. Siyempre, hindi ako nanalo dun.


GRADE V- Pero nung grade five naging third place ako sa region. Niyakap pa ako ng Division Supervisor in Science; yun lang kasi ng panalo ng division maliban sa Damath.

Nung grade five, naging presidente rin ako ng Health Club. Proyekto namin ang healthiest classroom—pa-kontest na pinakamalinis na klasrum. Halos first sections ang naging kalahok ng bawat baitang. Pagandahan at palinisan na noon. May biglang sumulpot na herbal gardens (na may kasama pang wishing well) sa tapat ng bawat klasrum. Nakakatuwa talaga yun. Kinuha namin ang school nurses (sa isa sa kanila ako natutong gumamit ng kompyuter) para maging hurado at ang klasrum namin ang nanalo! Nung grade five, nakipag-away din ako sa klasmeyt ko dahil sa larong Gobingo. Nakikialam kasi ako kahit hindi naman ako kasali sa laro. Bad talaga.


GRADE VI- Nung grade six, nagsilabasan ang an-an sa mukha ko. Sa katunayan, parang may mapa sa noo ko sa graduation picture ko. Sabi ng mga titser ko, normal lang daw yun kasi nagbibinata na nga raw ako. Oo, nga, kakatapos ko lang matuli nun. Haha. Kasi conscious sa itsura ko, maraming beses kong sinubukang burahin yung mga puting spots na yun. Nakilala ko ang salicylic acid, asunting, sulfur soap at sulfur powder, at kung anu-ano pa. Beach lang pala ang katapat nun nung first year high school na ako. Pumantay yung kulay sa kakabilad sa araw. Pagkawala nung sunburn, wala na rin ang an-an.

Haay...nakakatuwang balikan ang mga  pangyayari sa buhay bilang isang bata.


Posted at 03:07 pm by aclworld
May (12) Nagbigay ng Kuru-kuro  

 
Monday, August 06, 2007
saan ka pumapanig?

'Yan ang tanong sa akin ng isang kaibigang may tiyak na pinapanigan sa mga insyung kinakaharap ng lipunang Pilipino. Isa siyang aktibista. Sa kanya ko naintindihan ang ibig sabihin ng broken society.

Minsan din nilang nailarawan sa akin ang simula ng kanilang pakikipaglaban ang kung ano ang talagang nais nilang mangayari. Dahil sa mga ilang ulit ko pagsaksi sa mga pagkilos, naintindihan ko at naramdaman ang kanilang mga ipinaglalaban. Damang-dama ko ang kanilang pagnanais na makaalpas sa mga problema ng bayan sa ngayon. Nakita ko rin ang kanilang dedikasyon at pagkakaisa upang maabot ang kanilang layunin. Naitanong ko nga minsan paano  nila nakakayan ang mamuhay na laging sa tensyon. Kung minsan nagtatago.

Naiintindihan ko man sila, hindi ito nangangahulugang panig ako sa kanila. Una sa mga rason ko ay ang kaniang paniniwalang walang DIyos na sasalba sa bayan. Yun ang nabasa ko sa kanilang literatura nang minsan kung nabuklat ang isang aklat sa kanilang opisina. Paano ako makikianib sa kanila kung hindi kami pareho ng pinaniniwalaan?

Ikalawa, isinusulong nila ang komunismo, na siya namang itinuturing na "demon" ng simbahang kinabibilangan ko. Ayon sa isa nilang kasapi na nagkwento sa akin, yung daw ang kanilang gobyerno. Hindi raw sila sumusunod sa mga batas ng ating kasalukuyang gobyerno dahil may ibang gobyerno silang kinikilala. Ang gobyerno nilang ito raw ay naninigil din buwis, kaya hindi na raw ako magtataka na may mga bus na sumasabog. Iyon daw ay ang mga tumatangging magbayad ng buwis sa kanila.

Ikatlo, may mga inconsistencies. Isa na rito ang pagsasabi nilang hindi tunay ang demokrasya ng bansa. Kaya raw sila nag-aalsa ay upang maibalik ang tunay na demokrasya. Ngunit tulad nga ng nabanggit ko, sumusuporta sila sa makakaliwang ideyalismo.

Aminado akong hindi ko lubusang naiintidihan kung bakit hanggang sa ngayon ay nananatili pa ring matibay ang kanilang pakikipaglaban sa kabila ng mahabang panahon pagtugis sa kanila ng pamahalaan.

Hindi ko na kailangang banggitin pa ang mga kasalanan ng kasulukuyang gobyerno sa mamamayang Pilipino. Ito ang dahilan kung bakit hanggang sa ngayon, mahina ang paninindigan ko pagdating sa bagay na ito. Ngunit alam ko hindi maglalaon, mauunawaan ko rin kung saan ako tinatawag.


Posted at 02:48 pm by aclworld
Magmuni-muni  

 
Wednesday, August 01, 2007
kailangang bumangon sa pagkakadapa

Inabot din ng halos dalawang buwan bago ako ulit nakapagsulat. Ngayon lang kasi ulit nakita na ang daan ay hindi laging patag. Kailangan pa kasing madapa bago mapansing naging masyado na akong nagmamadali sa paglalakad.

Karera
Kasali na ako sa tinatawag na karera ng mga daga. Matapos gumradweyt sa kolehiyo, sumabak na agad ako sa pagtatrabaho sa isang institusyong humubog din bilang propesyunal at bilang tao.

Marami din along natutunan dito kahit ang trabaho dito ay hindi naangkop sa aking propesyon. Pero hindi ko maaalis sa sarili ko ang magtanong kung ano nga ba talaga ang direksyon na dapat kong tahakin. Sa ngayon naguguluhan ako kung ano nga ba ang gusto kong mangyari sa buhay ko. Ang mga dating pangarap parang halos wala nang halaga ngayon. Ang hirap pala talagang makipagbuno sa buhay.

Paulit-ulit
Puro kalyo na ang tuhod ko sa pulit-ulit na pagkakadapa at ang aking siko sa paulit-ulit ding pagsisikap na tumayo. Parang ang hirap tanggapin na sa lakas na ng mag paa ko, nadadapa pa rin ako. At mas mahirap pa, pasakit nang pasakit ang bawat pagkakadapa. Baka sa sunod ay hindi na ako makabangon.

Ayus lang din siguro na madapa ng paulit-ulit. Ang mahalaga ngayon sa palagay ko ay ang makausad kahit papaano. Kailangang maglakad eh. At kasama nun, di maiiwasang madapa.

Kung balak mong walang kailangang gawin, dapat nasa itaas ka.

 


Posted at 09:05 pm by aclworld
May (5) Nagbigay ng Kuru-kuro  

 
Wednesday, June 20, 2007
kailangan ko ng raket

Hirap talaga ng buhay. Kailangan ko na talagang kumita. May trabaho naman ako pero sa liit ng sweldo hindi talaga ako makapag-ipon. Whaah! Ano pa kaya ang pwede kong gawin?

Haay...buhay talaga.


Posted at 12:02 am by aclworld
May (9) Nagbigay ng Kuru-kuro  

Previous Page Next Page