Magpahayag

magkwento ka, kahit ano lang...

email me: akosibatangkalye@gmail.com


Get this widget!





Ipagpatuloy ang paglalakad


Ang batang kalye

May konting mali dun sa pangalan ng blog ko. Una, hindi naman talaga ako bata. Ikalawa, hindi ako nakatira sa kalye. Mahilig lang talaga ako maglagalag kung gabi. Gusto ko ang maglakad-lakad at pagmasadan ang paggalaw ng syudad. Minsan din napipilitan akong maglakad kasi wala akong pamasahe. Kalaban ko lang sa aking paglalakad-lakad at pagmumuni-muni ay ang nagkalat na mga aso sa daan at ang ulan na minsan ay walang tigil.

Tahimik lang akong tao. Pero, alam ko naman kung kelan dapat ako magsalita.

Pero mas maigi, magsusulat na lang ako. Kasi kahit hindi naman binabasa ang mga sinusulat mo, hindi ka pagsasabihang baliw. Pero pag nagsasalita ka mag-isa, walang nakikinig sa'yo, daig mo pa ang asong ulol kung kutyain ng ibang tao. Hindi ako sanay sa salitang eksaherasyon.

Tama na nga ang satsat.

Nga pala, welcome sa mundo ko. Dito, libre ang mangarap.


Iba ko pang Blogs
Home
The Journeyman
Musika Central
Digital Detours
Poetic Attempts



Pacquiao-Dela Hoya Fight Charisse Pempengco Chareese Pempengo Charice Pempengco

If you want to be updated on this weblog Enter your email here:



rss feed











 
Friday, May 04, 2007
diskette

Matagal nang tapos ang Pasko. Ahhm...ang selebrasyon, ng sanlibutan, ng Pasko ang ibig kong sabihin. Araw-araw ay Pasko naman, di ba? Ano naman ang kinalaman ng diskette sa kwento? Eto...

Kasi naman, ang blog kong ito ay waring napag-iwanan na ng panahon, nagsulat ako ng sana ay idaragdag ko sa koleksiyon ko ng maliliit na kwento. Kaya, habang bakante ako sa opisina, naisipan kong magsulat tungkol sa eleksyon--kung paano pinahahalagahan ng ilan ang panahong ito, kung paano pinawawalang-halagahan ng iba, kung paano sinasamantala ng marami, at kung paano dinedeadma ng marami-rami ring kauri nating kababayan. Balak ko kasi na 'pag nag-internet uli ako, isi-save ko na lang sa USB at ilalagay dito. Kaso lang, hiniram ni Ate Amor ang USB ko. Kaya, naisipan kong bumili ng diskette para doon, sa kabila ng warning na hindi naman lahat ng diskette ay gumagana, kahit bago. Alam mo na siguro kung ano ang nagyari.

Pero, gumana ang diskette na nabili ko. Sa katunayan, nai-save ko pa doon ang ilang files. Nailipat ko pa nga ang email ng dati kong professor. Nung isinave ko na ang document na isinulat ko tungkol sa eleksyon, binura ko na 'yun sa kompyuter ko sa ofis. Nakasanayan ko na kasing gawin 'yun.

Nang isaksak ko uli ang diskette  sa Drive A, (whaah!) sabi ng dialog box: The disk is not formatted. Parang gumuho ang mundo ko sa nangyari. Kung gumawa ka ng thesis at sumablay ang kompyuter, you can relate to that.

Pero dahil nangyari na ang nangyari, tinanggap ko 'yun ng maluwag sa dibdib (kinukumbinsi ko pa ang sarili ko hanggang ngayon). Kaya imbes na magwala, mas pinili kong isipin ang mga natutunan ko sa nangyari.

1. Although given  na 'to, dapat laging may backup. 'Wag umasa sa diskette ngayong ang uso ay USB.

2. Nagtatampo na siguro ang mga disk drives dahil minsan na lang (o hindi na) tayo gumagamit ng diskette.

3. Napaisip ako tungkol sa pagbabago. Pag-laos na ang USB, ano naman kaya ang mauuso?

Magandang araw sa lahat!

Posted at 10:32 pm by aclworld
May (1) Nagbigay ng Kuru-kuro  

 
Monday, December 11, 2006
Pasko na Naman

Heto na naman ang pasko. Hindi ko pa lubos mawari pero ito na ang ika-labingsiyam na pasko sa buhay ko. Ayon pa sa isang awitin, "O kay tulin ng araw..."

Bigla lang sumagi sa isip ko ang naramdaman ko noong bata ko habang papalapit na ang pasko. Naglalakad kami noon ng mga kapatid galing sa bukid pauwi sa bahay namin sa bayan. Hindi ko alam kung bakit, pero naaalala kong napaluha ako nang marinig ko ang isa sa mga pamaskong awitin ni Jose Mari Chan na noon di ko pa nakikilala at malamang ay hindi ko pa nauunawan ang mga letra.

Ang pasko, sa maraming kadahilanan, ay nakakapagpaparamdamdam ng iba't-ibang emosyon sa bawat tao. Naisip ko lang ang mga taong madalas kong makisalamuha sa totoong buhay at sa imahinasyon. Ano kaya ang nararamdaman nila at malapit na malapit na ang pasko?

Sa mga ipinanganak ngayong taon, ito ang una nilang pasko. Ibayong kasiyahan ang maaring idulot ng isang sanggol sa isang pamilya sa araw ng pasko. May yayapusin, ihehele, at lalaruin sila sa araw ng pasko. At siyempre, magsisidatingan ang iba't-ibang regalo galing sa mga ninang. Hindi na bibili ng mga bagong damit ang nanay at tatay kung ganun. Malas lang siguro nila kung marami rin silang inaanak.

May malungkot din naman ang pasko. Sila 'yung mga malayo sa mga mahal sa buhay na lalo pang pinalulungkot kapag pinatugtog ng DJ ang Pasko na Sinta Ko. Kabilang dito ang mga OFW na nagsisikap para sa kanilang mga pamilya, na pinagtabuyan sa bansa ng bagsak na ekonomiya. Malungkot din ang mga kaka-break lang o di kaya ay 'yung ang drama sa buhay ay long-distance love affair.

Pero mas may lulungkot pa ba kaysa sa mga nangangambang ito na ang kanilang huling pasko. Hindi natin maiaalis ang katotohanang lahat ng buhay ay may hangganan. Marami sa mga may edad na at wala pang nagawang mahalaga, o di kaya ay di pa kuntento sa mga nagawa, ay labis ang depresyon sa pagsapit ng pasko.

Isa sa mga taong natatakot sa paparating na pasko ay walang iba kundi ang ating mahal na pangulo. Ito na kaya ang huling pasko niya sa Malakanyang? Iyan siguro ang pinakamalaking bumabagabag sa kanya ngayon.

Naisip ko lang kung paano kaya siya magdidiwang ng pasko? Kung ako sa kalagayan niya ngayon, napakahirap. Una, alam niyang marami sa mga nasasakupan niya ay halos walang pinagkaiba ang hapag pasko man o hindi. Ikalawa, alam niyang marami ang hindi magawang magpasalamat na nagkaroon sila ng presidente na tulad niya. Ikatlo, baka mumultuhin siya ng mga mamamahayag at lahat na sumasalungat sa kanya--na pinatay sa loob ng panunugkulan niya at hanggang sa ngayon ay di pa rin nabibigyang hustisya. Ikaapat, subsob siya at stressed sa pagsusulong ng Con Ass. Kalakip marahil diyan ay ang paghahanap ng mga bagong istilo upang mapapayag ang ibang kongresista sa mga gusto niyang mangyari. Ikalima, gumagalaw din siya at ang kanyang mga alipores sa mga plano nila sa papalapit na rin eleksyon. Marahil, naghahanap siya ng  mga paraan na mailuklok sa pwesto ang mga taong susunod sa kanyang mga utos at kagustuhan--na susuporta sa kanyang pananatili sa trono. Ikaanim, napurnada ang planado na sanang puppet show na gagawin sa Cebu.

Gayunpaman, naniniwala akong makakapagdiwang pa rin ang pangulo ng pasko. Alam kong kakayanin ng konsensya niya. Maraming beses niya nang pinatunayan iyan. Ang mga gagawin niya siguro, o ginawa na niya, ay ang mga trusted and proven nang diskarte ng isang TraPo: sa diwa ng pagbibigayan, magpamudmod ng lupang pag-aari na pala ng iba, magpamudmod ng mga goods sa mga biktima ng mga bagyo, at magpamudmod ng pera ng bayan sa alipores niya.

Ngayon, kapag naririnig ko ang awiting yaon ni Jose Mari Chan, nabubuhay ang parehong emosyon na nadama ko noong bata pa ako. Ang kaibahan lang, nagyon, naiintindihan ko na ang mga letra ng kanta. At naluluha pa rin ako dahil hindi pala laging totoo ang linyang, "Whenever there are people, giving gifts, exchanging cards...Christmas is truly in their hearts." Sa maraming pagkakataon pala, ang pasko ay wala sa kanilang mga puso...nasa bulsa.

Heto na naman ang pasko. Na naman. Halos walang pagkakaiba sa nagdaang pasko. Paglipas ng isang taon, pasko na naman.

Ariel Lalisan

Posted at 11:39 pm by aclworld
Magmuni-muni  

 
Friday, November 17, 2006
Abroad

Ilang buwan mula ngayon, milyong propesyunal na naman ang madaragdag sa listahan ng mga walang trabaho sa Pilipinas. Pihong magiging isa rin ako sa kanila.

Ano’ng plano mo pagkagradweyt? Iyan na marahil ang pinakausong tanong ngayon. Madalas namang sagot ng marami: magtrabaho abroad. Kahit sino na lang, gustong makalabas ng bansa. Kasi sa labas ng bansa, maraming trabaho. Samantalang dito, wala. Bakit nga ba raw sila magtitiis dito sa kakarampot na sweldo, eh, kung maaari nga naman daw silang mag-abroad at kumita ng limpak-limpak? Sa katunayan, sa Amerika, pwede kang kumita ng tatlumpung dolyar kada oras, katumbas ng mahigit-kumulang 1,500 na piso. Samantalang dito, hindi aabot ng tatlong daang piso ang minimum daily wage o pang-araw-araw na kita ng isang ordinaryong manggagawa. Kung iyan lang ang aasahan at may anak kang tutuntong ng kolehiyo, paano mo sila mapapag-aral?

Pero sa kabila ng mga katotohanang iyan ay hindi ako nahihimok na lumabas din ng bansa. Minsan akong tinanong sa isang interbyu para sa isang kongreso ng mga kabataang lider kung may plano ba akong mag-abroad dahil pumapangalawa raw sa in-demand na propesyunal sa ibang bansa ang mga titser. Kagyat kong sinagot na wala iyon sa mga plano ko. Hindi ko pa naiintindihan ang mga implikasyon ng pag-aabroad sa pambansang ekonomiya. Ang tanging rason na nasa isip ko noong mga panahong iyon ay: hindi ko na kailangang lumabas pa ng bansa; nandirito ang mga kailangan ko para isang simpleng buhay na pinapangarap ko. Kung sabagay, kung mayroon ka namang gustong maabot, maari mo namang idaan ‘yun sa positibong pananaw, pagsisikap, tiyaga, at pamumuhay ng simple at matuwid.

Hindi naman mga materyoso ang tingin ko sa mga OFW. Marami lang kasi ang nakakalimot ng kanilang pagka-Pilipino matapos makatikim ng magandang buhay. May mga iilan na nagbago na ang pagpapahalaga sa pera at mga ari-arian, lalo na yaong mga naiiwan dito sa bansa at umaasa sa mga ipinapadala ng kakamg-anak na nasa abroad. Hindi nila lubusang nauunawan ang mga tinitiis ng isang OFW makapagpadala lang ng pera.

Maliban sa tulong na naibibigay ng mga nangingibang bansa sa kani-kanilang pamilya, malaki rin ang kanilang naiaambag sa ating pambansang ekonomiya. Ayon sa mga ekonomista, ang gumagandang kalagayan ng piso ay dahil sa mga ipinapasok na dolyar ng mga kababayan nating nasa labas ng bansa. Kung magpaptuloy iyon, malamang na gaganda ang ekonomiya ng bansa.

Kaya ganuon na lamang ang pagsisikap ng pamahalaan sa pakikipagdiplomasya sa mga mayayamang bansa upang mapagtrabahuhan ng mga manggagawang Pinoy.
Ito ay sa kabila ng pagbabala ng Asian Development Bank (ADB) sa di mabuting implikasyon nito sa mga potensyal na imbestor sa bansa. Kung aalis daw ang lahat ng magagaling propesyunal sa bansa, hindi raw ito magiging kaya-aya sa mga imbestor.

Kung iisipin, ang hirap timbangin kung talaga nga bang nakakabuti sa nakararami ang pag-aabroad. Kung mabuti-buti sana ang buhay dito sa atin, hindi na sana kailangan ng marami sa atin na mag-OFW, mas mapapanitili sana nating buo ang pamilya, at mapapalago ang mabuting pagpapahalaga.

Subalit paano nga ba mapapabuti ang buhay dito sa atin? Ito’y napakahirap sagutin. Ang mga pinuno nga natin ay hindi batid kung kailan at paano mangyayari iyon. Sa ngayon, ang pinakamainam na gawin ay ang pagbutihin ang pag-aaral at kung ano mang trabaho meron tayo. Kung gagawin nating lahat iyon, hindi malayong diringgin ng Diyos ang ating mga dalangin.

Ariel C. Lalisan

Posted at 11:21 pm by aclworld
Magmuni-muni  

 
Monday, June 19, 2006
(little) walis tambo at si (little) walis tambo boy

Medyo nagulat ako noon nang una akong makita ang isang walis tambo na ang haba ng hawakan ay mga isat' kalahating dangkal lang. "Para saan 'to?" curious  kong tanong. Wala yatang may gustong sumagot--o walang gustong ipamukha sa akin na wala akong common sense--kaya ako na lang mismo ang sumagot sa sarili kong tanong. Feather duster pala 'yun dapat. Kaso lang, siguro mahal na masyado ang manok, o pabo, o kung ano mang hayop na may balahibo na ginagawang feather duster kaya halaman na lang ang pinagkunan ng materyales.

Tinanong ko ang nanay ko kung magkano bili niya nun. Sabi n'ya labinlimang piso, nabili n'ya daw sa isang batang naglalako nun. Sampung piso lang daw 'yun sa iba. Naawa kasi siya sa dun sa batang nagbebenta kaya dinagdagan niya ng limampiso ang ibinayad.

Sa di inaasahang pagkakataon, isang dapithapon, nang pabalik na ulit ako dito sa Marbel kasi balik-eskwela na naman, sa ikalawang pagkakataon ay nasilayang muli ng aking mga mata and nakakatuwang bagay na 'yun. Hindi lang isa kundi mga lima at kasma pa 'yung batang nagbebenta nito. Tuwang-tuwa ako. Hindi naman siksikan sa dyip pero nakatayo lang 'yung bata sa gitna. Ayaw umupo. Baka siguro pagbayarin. Pero umupo rin naman s'ya maya-maya. Napagod din siguro.

Wawaluhing taong gulang lang siguro 'yung bata. Payat. Pero masayahin. Palangiti. At halatang alam ang pasikut-sikot ng syudad at takbo ng buhay doon. 'Yung tipong paglaki n'ya'y magiging maton. Pero malayung-malayo sa isang maton ang pangangatawan ng bata.

Naubusan ng krudo ang dyip at medyo malayu-layo pa ang susunod na gas station. Huminto muna kami ng mga halos sampung minuto siguro. Inutusan pa kasi ng drayber and konduktor na bumili ng krudo. Hayun, ang mga kababaihan ay panay na ang parinig sa drayber. Cool naman si manong at dinaan-daan lang sa ngiti. "Sarado na kasi ang Petron  sa Alabel," paliwanag ng drayber.

Maraming mga pag-uusap na naganap sa panahong 'yun. Ako, medyo maraming iniisip nung ilang minutong nakahinto lang 'yung dyip. Iniisip ko mga  gawain sa orgs at higit sa lahat kung paano pagkakasyahin ang kaunting perang dala ko para sa isang linggo.

Nang lumarga na ang dyip. Pinagmasdan ko ang syudad. Ang galing. Ang bilis ng pagbabago. Mukhang sa loob ng ilang taon, magiging parang Maynila na rin ang Gensan. Kailan pa kaya 'yun.

Nung halos bumaba na lahat ng pasahero, natuon muli sa bata ng atensyon ko. Siningil na kasi s'ya ng konduktor. Narinig kong sabi ng bata, limampiso lang ang ibabayad n'ya. Pumayag naman ang konduktor. Sabi ko sa sarili ko, mabuti pa 'yung bata kaya n'yang bumyahe mag-isa at tumawad ng pamasahe. Teka lang, libre s'ya dapat di ba? Ewan ko...wala akong magagawa. Usapan nilang dalawa 'yun, eh.

Ginulo nung isang mama ang buhok nung bata sabay sabing, "Ang sipag nitong batang 'to, ah!" "Saan ka ba umuuwi?" tanong nung mama. "Sa Habitat, " sagot nung bata. Ang alam ko, 'yung lugar na 'yun ay parang isang pabahay galing sa isang foundation. Habitat for Humanity yata. "Nag-aaral ka ba?" tanong uli nung mama. "Hindi," panay ang ngiti ng bata. Gayun din ang mama pero panaka-naka'y umiiling at tumitingin sa akin na kanina pa'y nakikinig sa usapan nila. At bumaba na ang mama.

Palapit na ako sa terminal ng bus. Napag-alaman ko sa kwentuhan nung ilang aleng natitira sa sasakyan na sampung piso nga ang benta nung bata sa mga paninda n'ya. Sa labinlimang walis tambo na dala nung bata, mula umaga nung araw na 'yun ay nakabenta s'ya ng siyam. Dalawang piso sa bawat isang walis na naibenta n'ya ay parte n'ya. Samakatuwid, sa isang buong araw n'yang paglalako, kumita s'ya ng labingwalong piso. Pinambayad niya ng pamasahe ang limampiso kaya may labingtatlong piso s'ya. Sasakay pa s'ya uli ng isa pang dyip papasok ng Habitat. Kaya hindi ko alam kung magkano nga ang naiuwi n'yang pera. Hindi ko rin alam kung kumain s'ya ng tanghalian o nagmeryenda man lang. Hindi ko alam. Sa may kanto bago pumasok ang dyip ay pumara na ang bata para bumaba. Panay pa rin ang ngiti. Tumalon mula sa dyip at kumaripas ng takbo.

Hindi alam nung bata kung gaano kalupit ng mundo sa kanya. Napaka-inosente pa nga n'ya. Sayang, mukhang matalino s'ya. Sana nakakapag-aral s'ya pero sa sitwasyo ng pamilya n'ya....mukhang napakalabong makatuntong siya ng elementarya.

Sa dyip pa lang, naghihimutok na ang damdamin ko. Galit ako. Galit ako sa mundo kung bakit ganun ang kapalaran nung bata. May mas magandang bukas pa sana para sa kanya kung matino lang ang ating gobyerno. Galit ako sa mga taong nananamantala. Galit ako sa sarili ko kasi wala pa akong magawa. Ibinuhos ko lahat sa luha habang nakasakay ako sa bus. Ang init ng mga luhang dumaloy sa aking mga pisngi. Hindi ko na alintana kung ano ang sasabihin ng ibang taon dun--nung mga nag-aalok ng itlog, softdrinks, kendi, at kung anu-ano pa. Dumaloy lang ang luha habang ang pagnanais kong mabago ang mundo ay lalo pang sumisidhi.

Idinalangin ko na lang sa Diyos ang magiging kapalaran nung batang nagbebenta ng walis tambong. 'Yung walis tambo ay nakapagbigay sa akin ng tuwa pa man din. Ngunit sa likod pala nun ay isang malungkot na kwento. Isang kwentong nais kong mabigyan sana ng masayang pagtatapos.

Posted at 12:29 am by aclworld
Magmuni-muni  

 
Thursday, June 08, 2006
utang

Kailan ba ako unang nangutang? Pera ba 'yun? Magkano kaya? Hindi ko na matandaan.

Ordinaryo na sa akin ang salitang utang. Household term, wika nga. At literal na household term kasi sa bahay ko siya una at laging naririnig. Di ko na maalala kung nasa anong grade na ako noon. Pero sigurado ako, elementary pa lang ako noon.

May ate kasi ako noon na nag-aaral. Dito rin sa unibersidad na pinapasukan ko. Chemical Engineering and kinuha niyang kurso. Kabilang siya sa first batch. Lagi kong naririnig ang nanay at tatay ko na pinag-uusapan nila ang tungkol sa pamabayad ng ate ko sa matrikula niya. At ang laging solusyon na naririnig sa kanila, "uutang na lang tayo sa Jun-Ann's buy and sell." Dagdag pa diyan, naririnig ko rin and mga salitang, "charged to crop." Ang alam ko noon, humihiram ang nanay at tatay ko ng pera doon sa pinagbebentahan nila ng kopra, mais, cotton, at iba pang produkto ng kapiraso naming lupa. Tapos, tuwing may harvest, binabawas sa kita ang nahiram naming pera. Minsan, ang inuutang ay bigas, minsan abono, o medisina para sa sakahan.

Noon, paborito rin akong dalhin ng nanay ko sa palengke. Namimili kami ng tuyo, isda, sardinas, mga gulay, at ilang mga sangkap sa pagluluto. Dadalhin namin ang mga iyon sa bukid--pang-isang linggo naming suplay. Lagi ko ring naririnig ang salitang utang. Kadalasan kasi, mahigit isang daan lang ang pera ni nanay. Kaya, laging kulang. Ang sistema, kukuha ang nanay ng ilang produkto at binabayaran namin sa susunod na linggo.

Madalas ko ring marinig sa mga kapitbahay namin ang salitang utang. Minsan sa Avon, sa Herway, sa Appliance center, sa five-six, at iba't iba pang nagpapautang. Tapos, kadalasan, 'yung pinangbabayad nila ng utang ay galing din sa utang. Nangyari rin 'yan sa isa ko pang ate. Nangutang siya ng motor gamit ang perang galing sa five-six. Pinamasada niya 'yung motor. Ngayon, hindi niya mabayaran ng regular 'yung buwanang singil sa inutang niyang motor kasi mahina ang kita, tapos 'yung kinikita niya roon ginagamit pang pangkonsumo sa bahay, pambayad ng kuryente, tubig, at iba pa. Kinailangan niya pang mangutang uli sa iba pang nagpapautang ng pera para ipambayad sa iba niya pang utang. Hayun, lubog siya sa utang. Pati pera ng nanay ko, allowance ko sa scholarship, damay.

Mas naging madalas ko pang marinig ang salitang utang ngayong nasa college na ako. Lagi kasing delayed ang allowance  ko sa scholarship. Kaya habang wala pa, nangungutang muna ako. Nangungutang muna ang nanay ko. Malayo kasi sa bahay ang unibersidad. Minsan, hindi na umaabot ng Sabado ang pera ko. Kaya nangungutang ako ng pamasahe. May utang din ako sa skul minsan kasi kailangang mag-promi muna.

Sino ba ngayon ang walang utang? Lahat yata, eh, meron. Di ba ang laki ng utang ng Pilipinas sa World Bank at ADB? Damay tayong lahat doon. Sa katotohanan nga, malaking bahagi ng binabayad na tax ng mga magulang natin napupunta doon. Kaya, nasasakripisyo ang mga serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon. At nagsanga-sanga na ang problema. Sino ba ang nagturo sa ating mangutang? Mga Kano di ba?

Aaminin ko, para makapag-blog ako ngayon, nangutang pa ako kay Leann. Pero babayaran ko naman 'yun...ng sarili kong pera para walang agrabyado.

Posted at 11:17 pm by aclworld
Magmuni-muni  

 
Tuesday, June 06, 2006
Kuwentong Kalsada at Hustisya

Maraming kwento na akong nasaksihan sa kalsada. 'Yung tipong pang I-Witness, Probe, The Correspondents, Reporter's Notebook, Rated K, at Kapuso Mo-Jessica Sojo. Pero hindi naman ako documentarista. Isa pa, hindi naman ganun kalalaking kwento ang nasasaksihan ko. Kung bibigyan nga ng airtime ng mga programang 'yung ang mga kwentong natipon ko, tiyak mababa ang ratings. Ordinaryong tao lang kasi ang bida, eh. Hindi si Kris Aquino, o si Romi Garduce, o kung sino pang Pilato ang sikat ngayon.

Isang di pangkaraniwang araw 'yun para sa akin; papunta ako ng Marbel galing Sarangani at nasa Gensan na ako ng mapansin kong hindi ko dala ang bag ko na may lamang mga damit--naiwan ko sa bahay. Hindi nga ordinaryo kasi hindi ko naman laging naiiwan ang  bag ko o ano mang gamit.

Kaya, kinailangan kong bumalik sa bahay. At sa biyaheng 'yun ko napagmuni-munihan ang salitang "hustisya".

Matagal pa ang hinintay ko sa terminal para lumarga 'yung dyip. Sa amin kasi, punuan. Siksikan. Sa upuang dapat panglimahan lang, pinagsisiksikan ang anim. Nakaka-badtrip. Maawa na sana ako sa mga drayber kasi ang liit ng kinikita nila dahil sa mataas (at patuloy na tumataas) na presyo ng langis. Pero nakakainis lang na kailangang maisakripisyo ang comfort ng mga pasahero. Ibigay kay Bong-bong ang para kay Bong-bong, naisip ko.

Dumaan kami sa isang checkpoint. Kinailangang magdahan-dahan ng sasakyan kasi may mga hump doon. Iniabot ng kunduktor sa nagbabantay ang tiket. Sa bawat pagdaan kasi ng sasakyan sa checkpoint na 'yun kailangang magbigay nung tiket na tag-limampiso. May ilang mga pulis doon, sundalo, at ilang kawani ng Kagawarang ng Transportasyon. May isang ale silang kinakausap. 'Yung ale sakay sa isang bisikleta. 'Yung bisikleta niya naman ay kalawangin at ang kadena ay pihong nanigas na, tila matagal na panahon nang hindi nalalagyan ng grasa o kahit used oil man lang. Hinuli siya kasi ang bisikleta n'yang 'yun ay walang plaka. 'Yung ale, mukhang nagmamakaawa na hayaan na lang na walang plaka 'yung bisikleta niya. Saan nga naman siya kukuha na mahigit singkwenta pesos na pambayad para dun? Eh, grasa nga para sa kadena ng bisikletang tila nanigas na ay wala siyang pambili! Naisip ko rin 'yung mga sasakyan ng ilang mayayaman na hindi naman rehistrado, 'yung ilang mga drayber na wala namang lisensya, 'yung mga operator ng di lihitimong pampasadang sasakyan, 'yung mga namumutol ng mga troso na walang lisensya na binabahagian lang ang mga nagbabantay sa checkpoint para makalusot, at marami pang tarandong negosyanteng di nagbabayad ng tax. 'Yung ale, imbis na pambili ng pagkain para sa mga anak ay ibabayad ang natitirang pera bilang multa. Saan mapupunta 'yun? Sa bulsa? Nino? Ni Gloria? Hindi, nung pulis, o nung kawani ng LTO. Bakit, so Gloria lang ba ang kurap? Masaklap. Dapat, ibigay kay Bong-bong ang para kay Bong-bong.

Kadalasan, pumapasok sa kapitolyo ang dyip para maghatid ng ilang may transaksyon sa alinmang opisina sa loob ng compound. Nung araw na 'yun, meron ngang nagpahatid sa loob ng kapitolyo. Sa Hall of Justice. Pagkapasok na pagkapasok, natatanaw ko na ang nasabing gusali. Paglapit namin, noon ko naintindihan kung bakit ang labo ng hustisya sa atin. Eh, yung mga letra nga na bumubuo sana ng mga salitang Hall of Justice, hindi nila maibalik-balik sa tamang posisyon, paano pa maibigay kay Bong-bong ang para kay Bong-bong?

Hindi ako nagsisising naiwan ko 'yung bag ko sa bahay. Kapalit naman pala nun ay ilang mahahalagang realisasyon.

Marami pa akong kwentong kalsada at hustisya. Hanggang sa muli!

Posted at 09:55 pm by aclworld
May (2) Nagbigay ng Kuru-kuro  

 
Friday, June 02, 2006
seryosong usapan

Si Adelle at si Amor  at ang pagkakaiba ng tunay na Kristiyano sa mga huwad

Pareho ko silang naging kaibigan sa isang pagtitipon ng mga kabataang lider. Pareho silang may kakaibang katangian sa lahat ng mga kabataang nakakasalamuha ko. Pareho silang tunay na Kristiyano.

Pa'no ko nga ba nasabing tunay silang Kristiyano?

Iba. Iba ang kanilang gawi. Sila 'yung tipong malalaman mong hindi mo dapat pinagsisinungalingan. Sila 'yung tipong mahihiya kang saktan. Sila 'yung tipong nagliliwanag sa kadiliman. Hindi naman 'yung glow-in-the-dark kung 'yan ang iniisip mo. Basta merong kakaiba sa kanila. Hindi sila nagagalit ng basta-basta. May kakaiba silang kaligayahan na para bang ang lakas ng kanilang aura na parang wala kang magawa kundi ang ngumiti pag kasama sila.

Si Adelle and si Amor ay kabilang sa magkaibang kongregasyon ng mga protestante. Protestante din ako pero sila ay nasa mataas na estadong spiritual. Si Adelle ay anak ng isang pastor samantalang si Amor ay nag-iisang protestante sa kanilang pamilya. Magkaiba man sila, sila ay may malalim na pag-unawa sa Kristiyanismo at kay Kristo mismo. Hindi mo sila basta-basta matitibag. Uy, wala akong sinabing may balak akong tibagin ang paniniwala nila.

Isa lang naman ang gusto kong sabihin, sa isang laot ng kabataan, makikila mo talaga kung sino ang tunay na Kristiyano sa pakikisalamuha mo sa kanila.

Ako at ang Aking Katauhan

Meron din kayang makakapagsabi ng tungkol sa akin na katulad nung mga sinabi ko tungkol kina Adelle at Amor?

Magulo ba 'yung tanong?

Ang ibig kong sabihin, nagkakapag-iwan ba ako ng ganung klaseng impresyon sa iba?

Magulo pa rin ba?

Ganito na lang, ang tingin ba nag iba sa akin ay isa akong tunay na Kristiyano?

Sa palagay ko, malinaw naman 'yung gusto kong sabihin. Tinitingnan ko lang kung ang mga gawi ko ba ay ayon sa kung ano ang nararapat na gawi ng isang tunay na Kristiyano. 'Yung ano ba, 'yung naisasabuhay ko ba ang mga katuruan ni Kristo?

Hindi yata ako ang dapat sumagot n'yan. Dapat siguro, 'yung mga taong nakakakilala sa akin.

Nasaan si Kristo sa Buhay Ko?

Hindi ko alam kung itinatanong ba ito ng kapwa ko Kristiyanong kabataan sa mag sarili nila. Sa totoo lang, ngayon ko lang din 'tong naitanong sa sarili ko. Sa labing-siyam na taon ko bilang isang Kristiyano, ngayon lang ako naging conscious sa bagay na ito.

Anu-anong bagay ba o mga diwa ang umuukupa ng aking panahon at meditasyon? Journalist Killings? Educational Situation in the Philippines? Apathy and Indifference of the Youth? Hopelessness of the Filipino People in the hands of Weak and/or Immoral Leaders?

Nandun ba si Kristo sa mga bagay na binaggit ko. Marahil wala siya sa dun. Pero dun ko siya hinanap. 'Yung mga bagay ding yun ang nagpakilala sa akin kung sino si Kristo at ano ang Kanyang katangian.

Si Kristo pala nasa tabi ko lang araw-araw, nagpapansin. Kaso lang deadma siya kadalasan. Ikaw ba, binibigyan mo ba siya ng halaga?

Posted at 10:49 pm by aclworld
Magmuni-muni  

 
Monday, April 10, 2006
sermon, planeta, at isang sign

Dalawang beses akong ngasimba kahapon. Pero hindi ibig sabihin 'nun mas mariririnig ni Lord ang mga panalangin ko o mas mabibiyayaan ako.

Ah, si Ma'am Josette Biyo!
Una akong nagsimba sa Alabel. Nakakatuwang binigyang ng pastor ng pagpapahalaga ang mga mabubuting nagyayaring sa Pilipinas ang pagkilala ang mga taong nakapagparangal sa bansa. Mula sa kanyang mga salita, mahahalatang pro-government  s'ya at marahil isa s'ya sa mga sisigaw ng "move on, let's cooperate with the administration". Hindi ko masasabing mali s'ya. Ganito naman talaga ang buhay, mahirap magkaroon ng iisang paniniwala.  Isa sa mga nabanggit n'ya si Manny Pacquiao at 'yung isang scientist daw na nakadiskubre ng isang planetang ipinangalan sa nasabing scientist. Napaisip tuloy ako. Ah, ang ibig n'yang sabihin pala ay ang high school teacher from Philippine Science High School-West Visayas Campus na si Josette Biyo. Wala lang. Nagbigay lang ng wrong matter ang pastor namin. Hindi naman nawala ang paggalang ko sa kanya dahil lang sa maliit na pagkakamaling 'yun lalo pa't ang tema ng kanyang mensahe ay ang pagpapalakas ng pananampalataya.

Isang sign
Pagdating ko sa Marbel, naramdaman kong kailangan kong magsimba. Masarap kasi ang pakiramdam sa loob ng Capital Alliance Church--'yung tipong mas malaya ka. Maganda ang topic ng pastor--tungkol sa mga kontrobersya sa Kristiyanismo. Nabanggit n'ya nag The Da Vinci Code ni Dan Brown na tinalakay ang pagiging mag-asawa raw ni Jesus at ni Magdalena. Nabanggit rin n'ya ang pelikulang The Last Temptation of Jesus na sumuporta sa swoon theory at ang pamumuhay ni Jesus bilang ordinaryong tao pagkatapos sa maipako sa krus. Ang binigyang halaga ng pastor ay ang pagiging matatag sa paniniwala sa Bibliya sa s'yang itinuturing na rebelasyong ng Diyos. Habang dini-deliver ng pastor ang kanyang mensahe, humingi ako ng sign kay Lord. Kung may marinig o mabasa akong salita na nagpapahayag ng tagumpay tulad ng triumph, triumphant, vistory, victorious, win, winning, etc. ay mananalo ako sa paligsahng sinalihan ko. Nang patapos na ang kanyang mensahe, nasabi ko sa sarili ko na siguro wala ngang ganung word na gagamitin ang pastor. Kaya naisip ko, siguro, may magte-text sa akin ng ganun. Handa akong maghintay. Tapos, bigla lang nag-flash  mula sa LCD Projector ang pangngusap na, Rome is a triumphant church. Halos hindi ko ma-contain ang sayang nadama ko nang makita ko 'yun. Taos ang paniniwala kong galing nga sa Diyos ang mensaheng 'yun at sinagot n'ya nga ang panalangin ko.

Posted at 10:55 pm by aclworld
Magmuni-muni  

 
Saturday, March 18, 2006
barkada

Isang exam na lang bukas at matatapos na rin ang exam week.

Pero bago pa matapos ang araw sinubukan naming magkakaibigan na magpiknik sa gitna ng field ng NDMU at gumala sa syudad pagkatapos.

Mga tira-tira nila Ate Sandz, Ate Amor, Kuya Joe, Kuya Jay, at Kuya Miko ang pinapak namin habang nakasalampak sa damuhan. Wala naman masyadong tao kaya hindi masayadong nakakahiya ang pinaggagawa namin dun. Nakakatuwa nga kasi nanghihinayang si Leann na hindi n'ya inikot ang campus nitong araw nang ma-realize n'ya na huling araw na pala 'to ng semestreng 'to. Oo nga. Pero, magkikita pa naman kami ng crush ko sa Sunday. 'Yun lang ang mahalaga.

Ewan ko kung anong hangin na naman ang nalanghap ko at nagyaya akong gumala sa syudad kasama sila. Pangalawang pagkakataon na naming nagawa 'to pero ngayong lang nakumpleto ang grupo.

Umikot kami sa may Rizal park sa likod ng SMRAA complex na tila walang direksyon. Wala naman talaga. Sa gitna pa nga kami ng kalye nag-iisip kung saan kami pupunta. Masaya naman kami, eh, sigurado, kahit saan pa man kami pupunta.

Nang marating namin ang kanto ng KNCHS, kumanan kami sa direksyon ng simbahan. Medyo marami pa rin ang mga dumaraang sasakyan ng mga oras na 'yun kaya parang magulo pa ang kalsada. Pumasok sa utak ni Marcie na bumalik kami uli dun sa harap ng 24-hour convenience store at tumambay lang dun sa mga lamesa.

Pagod, pawisan, at uhaw na kami ng marating namin ang lugar. Kaya naghanap kaagad ng mauupuan at bimili kaagad ng makakai't maiinom. Mukhang perfect and lugar sa trip namin. Kaso lang andaming tyangaw  o black bug. Kaya ayun, nangamoy tyangaw ang lugar. Pero ibang klase rin si Neil, pinulot nya lang na parang malilit na mga bato ang ilang tyangaw na nahulog sa kanyang damit at sa ulo ni Marcie. Astig!

Andami rin naming food na binili. Kaso lang napansin ko, puro cheese-flavored chips ang nabili namin. Ayun, naging orange na daliri, labi, at dila namin. At si Lotie--uhaw na uhaw. At malas niya, bawal uminom ng softdrink. Hindi naman talaga bawal. We just performed a little EQ test. We called it the Coca-Cola test. Katatapos lang namin nyan sa educational psychology for the third time.

Ako siguro ang nanalo sa little game na 'yun. Ako kasi nagbukas ng bote--naawa kasi ako kay Lotie na uhaw na uhaw na at nagbalak nang umuwi. Ganun nga siguro ang emotional intelligence sa pagkakaunawa ko.

Nauna na silang umuwi lahat. Naisip kong magpatuloy sa paglalakad. Dumaan ako sa KCC at nandun si Aiza Marquez, inaaliw (?) ang mga tao. Pathetic talaga. Natutuwa naman sila. Wala namang ginawa ang babaeng 'yun dunsa stage kundi ang magsalita at magpakyut. Sayang lang ang oras ng mga nandun.

Ano ba talaga ang punto ko?

Wala naman talaga. Gusto ko lang sabihing mami-miss ko 'tong mga sira ulo kong friends kung sakali mang paghiwalayin kami ng tadhana. Naks.

Posted at 11:22 pm by aclworld
May (2) Nagbigay ng Kuru-kuro  

 
Tuesday, March 14, 2006
rugby

May exam ako bukas. Modern Physics. Haay...sana mai-survive ko.

Pasado ala diyes. Naglakad-lakad uli ako ngayon, as usual. Ito lang alam kong paraan para ma-relaks, eh. Gaya ng dati, ganun pa rin ang Koronadal, tahimik. Kapansin-pansing ang buhay ay naka-concentrate lamang sa Gensan Drive. Habang tulog ang buong syudad, gising naman at kumakayod ang mga nanay, mga tatay, mga ate, mga kuya, pati mga bata. Ang iba nagtitindero't tindera sa McDo (Mc Duku-duko), ang painitan ng masa habang ang iba'y nagmamaneho ng tricycle. at syempre, ako, nagmamasid-masid, inaaliw ang sarili sa mga nakikita.

Habang binabagtas ko ang kahabaan ng Gensan Drive, napansin kong mga mga gumagalaw sa may bandang madilim at madamo. Hindi naman sila nagtatago, hindi ko lang talaga maaninag ang mga mukha at kung ano ang ginagawa nila. Unti-unti, visual adaptation, naaninag kong sila'y mga bata at pamilyar. Si Jan-jan. Siya 'yung nanghingi ng barya sa amin habang kumakain kami sa Las Vegas (sa likod ng City Hall) na pinagtataboy ng may-ari ng tinadahan at nadaanan naming nakaupo sa kalsada at tila tulala. Hindi niya nga kinuha ang inabot naming barya.

Nagkainteres ako sa ginagawa nila. May hawak silang bote at plastik. Tiningnan ko. Naintidihan ko, nagra-rugby sila. Panlimot-gutom.

Na-depress ako bigla; hindi dahil sa awa kundi sa katotohanang wala akong magagawa para sa kanila sa pagkakataong 'yun. Ano nga ba ang pwede kong itulong sa kanila. Kung may naiisip man ako ay hindi ako handa na gawin 'yun ngayon. Ayokong magpanggap. Ang masaklap, hindi ako sigurado kung mabubuhay pa sila kung dumating 'yung panahong handa na akong tumulong. Nakaka-depress talaga.

Dinaanan ko lang sila. Hindi rin naman nila siguro inaasahang may maiaabot ako sa kanila. Kasing gusgusin lang nila ako. Alam ko rin ang danger na haharapin ko kung sakaling sinaway ko sila. Kaya nagpatuloy lang ako sa paglalakad.

Saan pa kaya ako dadalhin ng mga paa ko? Sana wala nang mga aso sa kalye para mas malaya akong makapaglagalag.

Posted at 12:03 am by aclworld
Magmuni-muni  

Previous Page Next Page