|
|
Ipagpatuloy ang paglalakad Ang batang kalye May konting mali dun sa pangalan ng blog ko. Una, hindi naman talaga ako bata. Ikalawa, hindi ako nakatira sa kalye. Mahilig lang talaga ako maglagalag kung gabi. Gusto ko ang maglakad-lakad at pagmasadan ang paggalaw ng syudad. Minsan din napipilitan akong maglakad kasi wala akong pamasahe. Kalaban ko lang sa aking paglalakad-lakad at pagmumuni-muni ay ang nagkalat na mga aso sa daan at ang ulan na minsan ay walang tigil. Tahimik lang akong tao. Pero, alam ko naman kung kelan dapat ako magsalita. Pero mas maigi, magsusulat na lang ako. Kasi kahit hindi naman binabasa ang mga sinusulat mo, hindi ka pagsasabihang baliw. Pero pag nagsasalita ka mag-isa, walang nakikinig sa'yo, daig mo pa ang asong ulol kung kutyain ng ibang tao. Hindi ako sanay sa salitang eksaherasyon. Tama na nga ang satsat. Nga pala, welcome sa mundo ko. Dito, libre ang mangarap. Iba ko pang Blogs Home The Journeyman Musika Central Digital Detours Poetic Attempts ![]() Pacquiao-Dela Hoya Fight Charisse Pempengco Chareese Pempengo Charice Pempengco |
Nabibili ba ang kaibigan? Marahil ay wala nang mas nakakaawa pa sa isang taong kailangan pang bumili ng kaibigan para maging masaya. Utang na loob yata ang tawag dun. Panu kung may tinulungan kang tao...tapos ang taong ito ay naging kaibigan mo matapos mo siyang tulungan. Pareho kayong naging masay sa nangyari kasi kapwa napunuan ang pangangailangan ninyo. Siya, nagkaroon nung isang bagay na hinihilinh niya. At ikaw, nagkaroon ka ng kaibigan. Nung ikaw naman ang nangailangan, handa naman siyang tumulong. Pero parang noobliga lang siya na suklian yung minsang ginawa mo para sa kanya. So, parang ang nagyari...ang kaibigan mong 'yun ay parang binili mo pero hindi naman talaga naging iyo. Naging masaya ka lang for a while. Pero hinid ka talaga naging masaya. Ang conclusion, hindi ka pwedeng bumili ng kaibigan.
ChaRICE! Break muna sa mga seryosong usapan. Mukhang pingalalruan lang kasi tayo ng gobyerno eh. Gumawa ba nang isyu para matabunan ang naghihimagsik na mamamayan malaman lang ang katotohanan.
Sa palagay ko, ginawa nila ito para ipakita ang powers ng pangulo. Ito ang kwento: hirap ang mamamayang makakain tatlong beses isang araw dahil sa taas ng presyon ng bigas. Tapos biglang mareresolba ni Gloria ang usapin at presto, isa na siyang superhero!
Pero ang labo. Ang labo ng kwentong iyan. Malabo. Hindi astig. Hindi astig tulad ni ChaRICE. Hehe. ChaRICE Pempengco.
Sa ngayon, wala na sigurong mas aastig pa kay CharissePempengco in terms of success in the music industry.
Sana maka-duet kita one time. Hehe. Even if I can't really sing well, to sing with you is one of my grandest dreams. I hope you will continue to feel proud that you are Filipino and you should always take care of yourself.
I first witnessed Charisse on a noontime show on ABS-CBN...I think it was called Bulilit Pop Star. Sobrang galing talaga nya noon pa lang. I was sure at that time that she will really make it big in the showbiz industry. And I was right all along. Sumali rin siya sa Little Big Superstar pero tinalo siya ni Makisig Morales. That just made her aspire for more hanggang sa nadiskubre siya sa YouTube at na-interview sa mga sikat na show sa buong mundo.
Ang kwento ni Charisse ay talagang inspiring para sa mga kabataang nangangarap maging big stars din one day.
Krisis Nakakalungkot ang mga pangyayaring nagaganap ngayon sa Pilipinas. Bida sa balita ngayon ang krisis sa bigas. Pilit mang itanggi ng mga nanunungkulan sa gobyerno ngayon na wala pang krisis, damang-dama ng mga maliliit na Pilipinong tuld ko ang bigat na dala ng sitwasyong ito. Mantakin mo, umabot na sa halos trenta pesos ang dating dalawampung piso kada kilong bigas! Kaya todo-todo ang ginagawa naming pagtitipid ng kanin sa bahay. Maganda na rin 'yung nagtitipid kami kasi iwas-diabetes pa kami at iwas-obesity. Ang iba nating kababayan na halos wala nang pambili ng bigas noong medyo mura ang bigas, may nakakain pa kaya? Anong klaseng gobyerno na meron tayon ngayon? Ito na ba ang epekto ng fertilizer fund scam? ng rice cartel?Mga leche kayong lahat! Hindi man lang ba ito na nakita ng mga eksperto at nagawan ng paraan bago pa lumala ng ganito? Punung-puno na ang taong-bayan! Ang kakainin dapat ng mamamayan ang inuuna ng pamahalaan at hindi ang lecheng National Broadband Network na 'yan! We can have that in the right time! Hindi marahil nalalaman ng gobyerno ang maaaring gawin ng taong kumakalam ang sikmura. Ah, hindi nga nila malalaman sapagkat ni minsan marahil ay di naranasan ng mga tiyan nilang kumalam sa kapal ba naman ng mga perang papel sa bulsa nila! Nakakainis...nakakainis na ang gobyerno ng Pilipinas! Kumakayod din kami ng todo dito sa aming propesyon subalit ang ibang nandiyan na sa itaas ay nagbubulag-bulagan sa pangangailangan ng mga tao.
Ito na kaya ang climax? Napag-aralan ko sa hayskul na ang climax o kasukdulan ang bahagi ng isang kwento kung saan makakaramdam ang mambabasa o manonood ng pinakamasidhing damdamin. Ayon din sa ibang manunulat, ito ang turning point ng karakter. Sa kwentong ito, hindi ako ang pangunahing karakter. Ang totoo, pinipilit kong hindi maging kabilang sa kwentong ito. Tungkol ito sa kuya ko na naikwento ko nang medyo tumaliwas ng konti sa landas na dapat tinatahak ng isang matalinong taong tulad niya. Nung nakaraan kasi, opening ng bagong KTV bar malapit sa bahay namin. Kapag sinabi kong malapit, ibig sabihin noon, kung ano man ang mangyayari sa bar na 'yun, damay kami. Open-air yung bar. May bandang acoustic. Samakatwid, libre rin kaming manood ng mga kaganapan doon. Ang problema, hindi kami sang-ayon sa pagkakatayo ng bar na 'yun sa lugar na kinatatayuan nun ngayon. Ang lugar kasi namin ay malapit sa isang pampublikong hayskul. Kapag uwian na, ang mga bata ay tila iniluluwal ng gate ng paaralan patungo sa mga kabahayan. Halos sa tapat na ng gate ng eskwelahang 'yun ang kabubukas lang na KTV bar na kadikit ng isang Internet Cafe na pag-aari ng nagpapatakbo nung bar. Saktong-sakto ang pagkakapili nung lugar para sa nasabing establisimyento. Bagay-na-bagay. Ano naman ang kinalaman ng kuya ko doon? Actually, hindi siya dapat kasali. Wala naman kasi siya sa loob ng kordon na inihanda ng may-ari nung opening nga nung bar. Naglagay lang sila ng mesa sa labas at doon ay nag-inuman din. Nagkatuwaan na at medyo peaceful naman sa loob ng ilang oras. Hanggang nung maghatinggabi, tumigil na ang kantahan. MAy naririnig akong nagsasalita sa mikropono at tila yata lasing. Hindi man ako manghuhula pero naramdaman ko na magkakagulo. Nagpatuloy lang ako sa pag-aaral sa loob ng bahay. Ilang minuto pa at tama nga ako. Nagkagulo. Sinuntok daw yung nagsasalita sa mikropono. Duguan. Nagkahulihan nang rumesponde na ang mga pulis. Damay na ang kuya ko dahil nandun siya nung magkagulo. At isa siya sa mga itinuturo nung lalake na may gawa ng panununtok. Andun ang nanay ko para ipagtanggol ang kuya ko sa harassment na maaaring mangyari. Sabi raw nung Chief sa Nanay ko, Hindi ka marunong dumisiplina sa anak mo. Hindi niya alam labing-apat kaming anak ng nanay ko at marami sa amin ay propesyunal na at mabubuting manggawa. Pero di na yun inintindi ng nanay ko. May mas malaking problema pa kasi. Magsasampa ng kaso yung lalake na isang municipal engineer pala at tatay ng isang estudyante ko. Kapag naisampa na yung kaso, kailangan nang magbayad ng bail bond ng kuya ko para hindi siya makulong. Ewan. Kanina lang, makailang ulit ding nangungupit ang kuya ko ng sigarilyo sa tindahan namin. Madalas niyang ginagawa yun. Nung Sabado, nagbenta rin siya ng dalawang sako ng kopra na ibinawas niya rin sa produkto ng maliit na lupang pag-aari ng mga magulang ko. Ang pangyayaring ito na ang climax ng kwento ng kuya ko?
Magkanya-kanya na lang kaya tayo... Ang mag-asawa, kung may hindi pagkakaunawaan, tinitiis ng isa't isa sa kadahilanang pingbuklod na sila ng isang taling panghabambuhay. Ngunit marami rin naman ang naghihiwalay din. Ang magnobyo, pag may alitan, may konting suyuan. Sa pagkakataon hindi na maisaayos ang di pagkakaintindihan, nahihiwalay din. Maaari rin kayang humiwalay na lang ang Mindanao sa Pilipinas? Naku, hindi ideya 'to. Hindi rin 'to bago. Narinig na natin ang Bangsa Moro. Para raw matigil na ang gulo dito sa Mindanao, ihiwalay na raw ang arkipelago sa Pilipinas upang maging isang Bangsa Moro. Ngayon naman, dahil sa isyu tungkol sa kung kailangan na bang mag-People Power ulit para mapababa si Gloria mula sa kanyang kunauupuan, may mga ideyang lumabas na sawa na raw ang mga taga-Mindanao sa People Power. Kaya raw mas mabuti pang humiwalay na lang ang Mindanao sa Pilipinas. Usap-usapan 'yan sa e-group ng Ayala Young Leaders. Ayon sa aming kasamang si Kuya Wardy, mas makabubuti raw para sa Mindanao na humiwalay na lang sa Pilipinas, tutal matagal naman daw 'yung ninais ng mga taga-Mindanao. Ayon pa kay Kuya Wardy, hindi raw kasi solusyon na papali-palit tayo ng Pangulo. Nangyari na raw 'to ng ilang beses sa Pilipinas ngunit marami pa ring nangyayaring kabulastugan sa ating gobyerno. Mahirap na rin daw matukoy ngayon ang totoo sa hindi. Kaya hindi niya masasabi kung dapat ba raw paniwalaan si Lozada or kung sino mang sangkot sa ZTE Scandal. Kapag nahiwalay na ang Mindanao sa Pilipinas, masosolusyunan na ang problema sa Mindanao hinggil sa social services at iba pa. Malaki naman daw kasi ang naibabahagi ng Mindanao na buwis sa pambansang yaman. Kung magkakaroon ng sariling national government ang Mindanao mas mapapangalagaan daw ang interest ng mga mismong taga-Mindanao. Binasa ko nang paulit-ulit ang email ni Kuya Wardy. Isang punto ang nakita kong dahilan kung bakit niya naisulat 'yun: makakaiwas tayo sa napakaraming gulong kinasasangkutan ng gobyernong nakabase sa Maynila. Napaisip ako, magiging maayos kaya ang takbo ng gobyerno sa Mindanao kung hihiwalay ito? Una, hindi naman perpekto ang mga lokal na pamahalaan dito sa Mindanao. Hindi naman isolated sa Manila o sa national government ang pangungurakot. Sa iskawting namin noong hayskul, naitalaga rin akong Governor sa loob ng tatlong araw at sa ilang araw na iyon, may mga naamoy akong hindi kanais-nais. Kaya, hindi ibig sabihin na 100% corruption free ang estadong Mindanao, kung saka-sakali. Pangalawa, maraming pagkakataon na rin akong nakapunta sa ARMM at nakisalamuha sa mga ordinaryong tao doon sa pamamagitan ng isang outreach activity ng paraalang pinapasukan ko nung nasa kolehiyo pa ako. At hindi lingid sa atin na isa ang ARMM sa pinakamahirap na rehiyon sa Pilipinas. Ang mga paaralan din doon ay maaari ring tawaging low-performing base sa mga eksameng ibinigay sa mga mag-aaral at sa mga guro doon. Kaya, hindi rin ibig sabihin na 100% ang kasiguruhan na uunlad ang buhay sa MIndanao kung maihiwalay tayo sa Pilipinas. Maaari ngang sawa na ang mga Mindanaon sa kaguluhan sa loob ng pambansang pamahalaan. Kung tutuusin, sawang-sawa na kaming panoorin ang mga kamangmangang ipinapakita ng ating mga itinuturing na leader. Kung hindi man ganuon ka-aktibo ang partisipasyon ng Mindanao sa resolusyon ng kaso ng ZTE scandal, hindi ito nangangahulugang wala na kaming interes sa pambansang suliranin kundi mas ninanais naming maging produktibo sa kani-kaniyang mga trabaho nang sa gayon makatulong sa ikakaunlad ng Mindanao. Maraming beses na tayong nanawagan sa ating gobyerno na pagbutihin nila ang serbisyo sa bayan at atupagin ang pagpapabuti ng buhay ng mga Pilipino. Ngunit walang gaanong aksyon kasi may inaatupag din silang iba. Kung ganun, mas maigi na ngang magkanya-kanya na lang tayo. Magkanya-kanya na tayong magsikap na maging mabuting mamamayan. Magkanya-kanya na tayong mang-impluwensiya sa iba na maging mabubuting mamamayan din. Magkanya-kanya na tayo ng pamamaraang maipakita sa ating mga lider kung gaano sila sa kabaluktot sa pamamagitan ng ating pagiging matuwid.
Gloria, Resign! Hindi man ako makadalo sa Makati, nananawagan ako sa pagbaba ng Pangulo sa puwesto. Una, hindi naman talaga siya ang dapat na nakaupo ngayon. Naniniwala akong mayroong pandarayang naganap noong nakaraang eleksyon. Ikalawa, napakarami nang isyung kung hindi inisnab ng Pangulo ay pinagtakapan niya. Hindi sa lahat ng panahon ay maaari niyang bola-bolahin ang mamamayang Pilipino na gumaganda ang ekonomiya ng bansa. Kailangan niya ring bigyang kasagutan ang mga isyung binabato sa kanya ang patunayang walang siyang kinalaman dito kung sakaling wala nga. Sa ginagawa ng kanyang panig na pagtatakip sa katotohanan at pananakot sa mga naninindigang tumestigo at kumalaban sa kanya. Ikatlo, hindi maganda impluwensiya sa mga kabataang ang isang gobyernong tadtad ng mga isyung kurapsyon. Kung mananahimik lamang tayo at hayaan lang silang ipagpatuloy ang kanilang mga ginagawa, magpapatuloy din at maaari pang lumala ang kurapsyon. Simula noong bata pa ako hindi na lingid sa akin na laganap sa ating gobyerno ang pangungurakot. Gusto ko para sa mga magiging anak ko na imulat sila sa isang sistemang malinis at matuwid. Patuloy akong susuporta sa mga pagkilos upang maibaba sa pwesto ang mga mananamantala hanggang sa magkaroon tayo ng klase ng gobyernong matagal na nating inaasam. *Ang Gloria, RESIGN picture ay galing sa Pedestrian Observer Group Blog.
sabi ng pangulo “Ako ang Pangulo ng Pilipinas…wala nang iba.” Iyan ang mga pahayag ng Pangulo sa kanyang pananalita sa isang okasyon. Ito ba’y senyales ng desperasyon, isang pilit na paninindigang nasa kanya pa ang tiwala at suporta ng mamamayan kung kelan hayag na sa lahat na wala nang tanging yaong pinapakain niya na laman ang naniniwala sa kanya? “Nang nalaman kong may anomalya sa kontra, agad kong kinansela ang pagpapatupad nito. Agad ko itong pina-imbestigahan.” Madam, nasaan po ang ebidensya na pinakansela niyo agad ang kontrata? Ang alam po ng lahat ay napilitan lang po kayong ipakansela ito nang pumutok na ang isyu sa pamamagitan ng midya? Nasaan po ang resulta ng imbestigasyong inyong isinagawa? Baka po iyan ang tsismis. At ang mga salitang iyan ba ay nangangahulugang inamin na mismo ng pangulo na may anomalya ngang nangyayari? Bakit noong una ay pilit nilang itinago ito? Para ba kung makalusot, eh, tiba-tiba ang mga buwayang sangkot? Magpamiyembro na kayong lahat sa Wack-Wack at gastahin ang pera ng gobyerno para makapag-golf kayo at makatikim ng burjer espesyal doon. “Ang totoong paglilitis ay hindi sa senado…hindi sa tsismis, kundi sa ebidensya May tamang korte para sa paglilitis.” May mga korte nga ang Pilipinas, wala namang hustisya. Malakas lang po ang loob ang gobyerno na hamunin ang kumikwestyon sa mga kalakaran sa gobyerno dahil marunong po kayong magligpit ng ebidensya at magbaluktot ng katotohanan. Mayroon po kayong pera, pwersa, a makinarya para maniobrahin ang paglilitis na ipinagmamalaki ninyo. “Hangga’t ako ang Pangulo, buwan-buwan, ibibigay ‘yan sa inyo” Iyan naman ang pangako niya sa mga dumalo sa pagtitipong inihanda niya sa Cavite. Tiglilimang-daang piso para sa mga pamilyang mahihirap doon. Dole out? Ito ba ang sagot ng Pangulo sa problema sa kahirapan? At sinu-sino lang ang makakatanggap? Ang mga taga-suporta niya? Iyon lang basta tatango sa kung ano man ang dikta ng pamahalaan? Maligayang paggunita po sa Unang Rebolusyon sa EDSA. P.S. Ang dami nang pagkakasala ng gobyernong ito sa mamamayang Pilipino; bumaba na sana sa pwesto ang mga nanunungkulan diyan na pagpapalaki lang tiyan at pagpapakapal ng bulsa ang inaatupag.
ayoko na ng baboy
Paulit-ulit kong pinapatugtog ang kanta ng Radioactive Sago Project na may kaparehong pamagat ng post na ito. Pakiramdam ko kasi bagay sa mga nangyayaring kababuyan ngayon sa gobyerno natin. Ito ang kontrobersyal na YouTube video ng wiretapped conversation nina Lozada at Joey de Venecia. Lalo pa nitong pinagulo ang dati nang magulong imbestigasyon tungkol sa ZTE Broadband Deal. Ang pinakanagpapagulo sa lahat ay ang waring pagiging sobrang magaling (siguro, mas tama ang nagmamagaling) na ng ating mga lider. Yung mga opisyales natin ngayon kanya-kanya na ring gimik. Ang ibang grupo, wala naman talaga sa lugar, nakikigulo lang. Ang iba ang daming opinyon kulang naman sa pag-aaral. Lalo lang tuloy gumugulo. Ayoko na ng baboy. Sawa na ako sa baboy...
ang mahiwagang burger ni abalos Nanood ka ng Harapan nung Sbado ng gabi sa ABS-CBN? Iyon na siguro ang pinakamahalagang programang dapat mapanood ng bawat Pilipino, maniwala ka't sa hindi. Una, doon unang ni-launch sa buong bansa ang mahiwagang "burjer" ni Abalos na sinasabing nakakatanggal ng takot. Heto ang pruweba:
Ewan kung anong klaseng talino meron ang mga taong ito. Akala nila kaya nilang papaniwalain ang mga tao sa mga papel na hawak nila? Tama nga ang sinabi na isa kong kaibigang pari na hindi lahat ng legal moral. Ayon din kay Jun Lozada, ang meron tayo sa Pilipinas ay legal system at hindi justice system. Hindi ang kaguluhang ito sa ZTE Broadband Deal ang nagmulat sa mga mata natin sa kabulukang nangyayari sa ating gobyerno. Isinampal ng ZTE scandal sa mga mukha natin na kailangan nang kumilos. Sumusobra na ang mga gahamang namumuno sa pamahalaan natin. Saludo ako sa ABS-CBN sa pagtalakay ng isyung ito. Saludo ako kay Jun Lozada dahil pinanindigan niya ang kanyang desiyong isiwalat ang katotohanan. Saludo ako sa mga naniniwala kay Jun Lozada dahil pinigana nila ang kanilang sentido komon. Ang tunay na matalino ay yaong nalalaman at ginagawa ang tama at mabuti, at hindi yaong idinadaan sa mababaw na lohika at pagbaluktot sa katotohanan. Sa bandang huli, magiging masaya ang mga gumagawa ng tama.
Mas Kumikitang Kabuhayan "May 200 ka dito Sec" Ito ang pahayag ni Sec. Romulo Neri nung siya kinuwestyon sa Senado hinggil sa suhulan sa ZTE Broadband Deal. Ang kahulugan daw nga mga katagang iyon ay makakatanggap ang kalihim ng dalawaan daang libong piso kapalit ng pagpayag na ibigay sa kumpanyang Tsino ng proyektong National Broadband Network. Ayun pa kay whistleblower Joey de Venecia, lahat daw ng taong pumirma sa kontratang iyon ay may kickback din. sa kanyang salaysay, nakaladkad ang pangalan ng Unang Ginoo and ni dating COMELEC Chairman Abalos. Kita mo nga naman ang sangsang ng amoy ng maruming pamahalaan sa Pilipinas. Ang nawala ang ngayo'y nagbabalik na testigong si Jun Lozada. Sa kanyang pagbabalik, hatid pa niya ang katotohanang kanyang nalalaman. Ano na kaya ang kinabukasang naghihintay sa bayang Pilipinas?
|