|
|
Ipagpatuloy ang paglalakad Ang batang kalye May konting mali dun sa pangalan ng blog ko. Una, hindi naman talaga ako bata. Ikalawa, hindi ako nakatira sa kalye. Mahilig lang talaga ako maglagalag kung gabi. Gusto ko ang maglakad-lakad at pagmasadan ang paggalaw ng syudad. Minsan din napipilitan akong maglakad kasi wala akong pamasahe. Kalaban ko lang sa aking paglalakad-lakad at pagmumuni-muni ay ang nagkalat na mga aso sa daan at ang ulan na minsan ay walang tigil. Tahimik lang akong tao. Pero, alam ko naman kung kelan dapat ako magsalita. Pero mas maigi, magsusulat na lang ako. Kasi kahit hindi naman binabasa ang mga sinusulat mo, hindi ka pagsasabihang baliw. Pero pag nagsasalita ka mag-isa, walang nakikinig sa'yo, daig mo pa ang asong ulol kung kutyain ng ibang tao. Hindi ako sanay sa salitang eksaherasyon. Tama na nga ang satsat. Nga pala, welcome sa mundo ko. Dito, libre ang mangarap. Iba ko pang Blogs Home The Journeyman Musika Central Digital Detours Poetic Attempts ![]() Pacquiao-Dela Hoya Fight Charisse Pempengco Chareese Pempengo Charice Pempengco |
(little) walis tambo at si (little) walis tambo boy Medyo nagulat ako noon nang una akong makita ang isang walis tambo na ang haba ng hawakan ay mga isat' kalahating dangkal lang. "Para saan 'to?" curious kong tanong. Wala yatang may gustong sumagot--o walang gustong ipamukha sa akin na wala akong common sense--kaya ako na lang mismo ang sumagot sa sarili kong tanong. Feather duster pala 'yun dapat. Kaso lang, siguro mahal na masyado ang manok, o pabo, o kung ano mang hayop na may balahibo na ginagawang feather duster kaya halaman na lang ang pinagkunan ng materyales. Tinanong ko ang nanay ko kung magkano bili niya nun. Sabi n'ya labinlimang piso, nabili n'ya daw sa isang batang naglalako nun. Sampung piso lang daw 'yun sa iba. Naawa kasi siya sa dun sa batang nagbebenta kaya dinagdagan niya ng limampiso ang ibinayad. Sa di inaasahang pagkakataon, isang dapithapon, nang pabalik na ulit ako dito sa Marbel kasi balik-eskwela na naman, sa ikalawang pagkakataon ay nasilayang muli ng aking mga mata and nakakatuwang bagay na 'yun. Hindi lang isa kundi mga lima at kasma pa 'yung batang nagbebenta nito. Tuwang-tuwa ako. Hindi naman siksikan sa dyip pero nakatayo lang 'yung bata sa gitna. Ayaw umupo. Baka siguro pagbayarin. Pero umupo rin naman s'ya maya-maya. Napagod din siguro. Wawaluhing taong gulang lang siguro 'yung bata. Payat. Pero masayahin. Palangiti. At halatang alam ang pasikut-sikot ng syudad at takbo ng buhay doon. 'Yung tipong paglaki n'ya'y magiging maton. Pero malayung-malayo sa isang maton ang pangangatawan ng bata. Naubusan ng krudo ang dyip at medyo malayu-layo pa ang susunod na gas station. Huminto muna kami ng mga halos sampung minuto siguro. Inutusan pa kasi ng drayber and konduktor na bumili ng krudo. Hayun, ang mga kababaihan ay panay na ang parinig sa drayber. Cool naman si manong at dinaan-daan lang sa ngiti. "Sarado na kasi ang Petron sa Alabel," paliwanag ng drayber. Maraming mga pag-uusap na naganap sa panahong 'yun. Ako, medyo maraming iniisip nung ilang minutong nakahinto lang 'yung dyip. Iniisip ko mga gawain sa orgs at higit sa lahat kung paano pagkakasyahin ang kaunting perang dala ko para sa isang linggo. Nang lumarga na ang dyip. Pinagmasdan ko ang syudad. Ang galing. Ang bilis ng pagbabago. Mukhang sa loob ng ilang taon, magiging parang Maynila na rin ang Gensan. Kailan pa kaya 'yun. Nung halos bumaba na lahat ng pasahero, natuon muli sa bata ng atensyon ko. Siningil na kasi s'ya ng konduktor. Narinig kong sabi ng bata, limampiso lang ang ibabayad n'ya. Pumayag naman ang konduktor. Sabi ko sa sarili ko, mabuti pa 'yung bata kaya n'yang bumyahe mag-isa at tumawad ng pamasahe. Teka lang, libre s'ya dapat di ba? Ewan ko...wala akong magagawa. Usapan nilang dalawa 'yun, eh. Ginulo nung isang mama ang buhok nung bata sabay sabing, "Ang sipag nitong batang 'to, ah!" "Saan ka ba umuuwi?" tanong nung mama. "Sa Habitat, " sagot nung bata. Ang alam ko, 'yung lugar na 'yun ay parang isang pabahay galing sa isang foundation. Habitat for Humanity yata. "Nag-aaral ka ba?" tanong uli nung mama. "Hindi," panay ang ngiti ng bata. Gayun din ang mama pero panaka-naka'y umiiling at tumitingin sa akin na kanina pa'y nakikinig sa usapan nila. At bumaba na ang mama. Palapit na ako sa terminal ng bus. Napag-alaman ko sa kwentuhan nung ilang aleng natitira sa sasakyan na sampung piso nga ang benta nung bata sa mga paninda n'ya. Sa labinlimang walis tambo na dala nung bata, mula umaga nung araw na 'yun ay nakabenta s'ya ng siyam. Dalawang piso sa bawat isang walis na naibenta n'ya ay parte n'ya. Samakatuwid, sa isang buong araw n'yang paglalako, kumita s'ya ng labingwalong piso. Pinambayad niya ng pamasahe ang limampiso kaya may labingtatlong piso s'ya. Sasakay pa s'ya uli ng isa pang dyip papasok ng Habitat. Kaya hindi ko alam kung magkano nga ang naiuwi n'yang pera. Hindi ko rin alam kung kumain s'ya ng tanghalian o nagmeryenda man lang. Hindi ko alam. Sa may kanto bago pumasok ang dyip ay pumara na ang bata para bumaba. Panay pa rin ang ngiti. Tumalon mula sa dyip at kumaripas ng takbo. Hindi alam nung bata kung gaano kalupit ng mundo sa kanya. Napaka-inosente pa nga n'ya. Sayang, mukhang matalino s'ya. Sana nakakapag-aral s'ya pero sa sitwasyo ng pamilya n'ya....mukhang napakalabong makatuntong siya ng elementarya. Sa dyip pa lang, naghihimutok na ang damdamin ko. Galit ako. Galit ako sa mundo kung bakit ganun ang kapalaran nung bata. May mas magandang bukas pa sana para sa kanya kung matino lang ang ating gobyerno. Galit ako sa mga taong nananamantala. Galit ako sa sarili ko kasi wala pa akong magawa. Ibinuhos ko lahat sa luha habang nakasakay ako sa bus. Ang init ng mga luhang dumaloy sa aking mga pisngi. Hindi ko na alintana kung ano ang sasabihin ng ibang taon dun--nung mga nag-aalok ng itlog, softdrinks, kendi, at kung anu-ano pa. Dumaloy lang ang luha habang ang pagnanais kong mabago ang mundo ay lalo pang sumisidhi. Idinalangin ko na lang sa Diyos ang magiging kapalaran nung batang nagbebenta ng walis tambong. 'Yung walis tambo ay nakapagbigay sa akin ng tuwa pa man din. Ngunit sa likod pala nun ay isang malungkot na kwento. Isang kwentong nais kong mabigyan sana ng masayang pagtatapos. Posted at 12:29 am by aclworld
|