Magpahayag

magkwento ka, kahit ano lang...

email me: akosibatangkalye@gmail.com






Ipagpatuloy ang paglalakad


Ang batang kalye

May konting mali dun sa pangalan ng blog ko. Una, hindi naman talaga ako bata. Ikalawa, hindi ako nakatira sa kalye. Mahilig lang talaga ako maglagalag kung gabi. Gusto ko ang maglakad-lakad at pagmasadan ang paggalaw ng syudad. Minsan din napipilitan akong maglakad kasi wala akong pamasahe. Kalaban ko lang sa aking paglalakad-lakad at pagmumuni-muni ay ang nagkalat na mga aso sa daan at ang ulan na minsan ay walang tigil.

Tahimik lang akong tao. Pero, alam ko naman kung kelan dapat ako magsalita.

Pero mas maigi, magsusulat na lang ako. Kasi kahit hindi naman binabasa ang mga sinusulat mo, hindi ka pagsasabihang baliw. Pero pag nagsasalita ka mag-isa, walang nakikinig sa'yo, daig mo pa ang asong ulol kung kutyain ng ibang tao. Hindi ako sanay sa salitang eksaherasyon.

Tama na nga ang satsat.

Nga pala, welcome sa mundo ko. Dito, libre ang mangarap.



If you want to be updated on this weblog Enter your email here:



rss feed











 
Friday, February 12, 2010
Unang Pag-Ibig, Unang Kabiguan
AYOKO NA sanang magkwento pa tungkol sa isang malungkot na bagay. Pero mukhang wala na akong magagawa. Ibubuhos ko na bago pa tuluyang sumabog sa dibdib ko.

Oo, umibig na ako. Umibig na ang batang kalye. Ang ikukwento ko sa inyo ay tungkol sa maituturing kong unang pag-ibig. Minsan na ring tumibok ang puso ko. Minsan na rin akong nakipagsapalaran sa larangan ng pagmamahal. Pero sa pagkakataong ito lamang ako nagseryoso. Kaya, ito nga talaga ang una kong pag-ibig. Siya ang una kong minahal ng lubusan. Si Tina ang una kong pag-ibig.

Kung love stories ang pag-uusapan, madalas kinukwento ang unang pagkikita. Pero wala akong maikukwentong ganun, kasi, mahirap mang paniwalaan, di pa kami nagkikita ng personal. Kahit nga hi-tech na ang panahon ngayon, kahit sa webcam man lang sana, di pa kami nagkaharap. Pero sa loob ng halos walong buwan naming nag-uusap, halos kilalang-kilala na namin ang isa't isa.

Nagkakilala kami sa isang trivia game sa isang chatroom. Ako ang game master. Isa siya sa mga sumasagot. Madali ko siyang napansin kasi sa lahat ng nasa chatroom, siya ang madalas na may matinong sagot. Maloko din siya minsan pero alam kong may alam siya. Matalino. Yun ang una kong requirement. Gusto ko 'yung masarap kausap. Yung tipong kahit ano ang pag-uusapan ay may say. Sa puntong 'yun, palagay ko, siya ang makakasundo ko.

Nagdaan pa ang maraming trivia games. Ilang araw din ang lumipas bago ko siya hiningan ng ID para maidagdag ko siya sa buddy list ko. Ayun, private messaging konti. Nakipagkilala. At ayun, nalaman kong hindi pala siya taga-rito sa probinsya namin. Pumapasok lang pala siya sa chatroom na para sa mga taga-rito kasi may kasintahan siya dito. Taga-Dapitan City siya. Graduate ng Marine Biology sa isang unibersidad doon. Tapos 'yun, nagcha-chat lang pa rin kami sa room, walang anumang espesyal na pagtingin para sa isa't isa.

Isang hatinggabi, iilan na lang kami sa room. Bigla siyang nagkwento na kagigising lang daw niya mula sa isang masamang panaginip. Tinanong ko siya kung ano ang napanaginipan niya. Naka-unlimited calls pala ako nung gabing yun kaya hiningi ko na rin ang number niya para matawagan ko siya. Game naman siya. Yun ang una naming pag-uusap at inabot na kami ng umaga.

Ilang hatinggabi rin kaming nag-uusap tungkol sa kung anu-ano. Kinaumagahan, magte-text na naman. Hindi talaga ako 'yung tipong kiti-kitxt. Pero nang dahil sa kanya, nagpapa-unli ako. Pinagtiyagaan kong makipagmorningan sa kanya. Hindi ko na iniisip kung may pasok pa kinabukasan. Kapag kausap ko siya, pakiramdam ko, sa kanya lang umiikot ang mundo ko. Napapatawa niya ako ang todo, ipinaramdam niya sa akin na mahalaga rin ako sa kanya.

At ako nga ang unang nag-"I love you." Dala ng kalasingan, naibulalas ko rin sa kanya ang tunay kong nararamdaman. Nabigla siya kasi nga, alam ko namang may kasintahan na siya. Pero tinanggap niya rin ang proposal ko. Subukan daw naming for a week. Pagkatapos ng isang linggo raw saka siya magdedesisyon kung itutuloy namin. Lumipas ang isang linggo na hindi namin namalayan, dala na rin marahil ng sobrang pagkagiliw namin sa isa't isa.

Lumalim ang aming relasyon. Naging dependent kami sa isa't isa. Siya na ang naging almusal, pananghalian, hapunan, at midnight snacks ko. Ikamamatay ako kung iiwan niya ako. Kaya palagi ko siyang tinatanong kung mahal niya ba talaga ako dahil mahal ko na siya ng higit sa buhay ko. Oo naman daw. Gusto ko nga i-quantify niya, pero sabi niya di na raw kailangan.

Siya ang nagturo sa akin kung paano mag-text. Kapag nagtetext pala, dapat hindi lang isang salita o tatlo. Dapat mahaba. Dapat palagi kang nagtatanong kung ano ang ginagawa. Kailangan antayin muna ang reply bago magkwento ng detalyado. Higit pa riyan, siya ang nagturo sa akin kung paano magmahal. Sa kanya ko naramdaman ang kakaibang tibok ng puso. Yung tipong gagawin mo ang lahat para sa kanya. Kung pwede lang liparin ko ang distansyang naghihiwalay sa amin.

Kalaunan, parang may mali. Bigla siyang lumamig. Ako rin, naging abala sa napakaraming bagay. Ganunpaman, hindi nagbabago ang pagmamahal ko sa kanya. Hinahanap ko pa rin siya araw-araw, oras-oras. Pero sadyang may mali talaga.

Nagseselos siya sa mga kasama ko sa gimik. Ako, pinagseselosan din ang iba niyang katext, lalo na yung iba pang tumatawag sa kanya. Naisip ko rin na baka isa lang ako sa koleksyon niya. Para kasing naghahanap siya ng taong magmamahal sa kanya. Sinabi niya rin naman sa akin sa selfish siya. At panay ang sori niya kung minsang nakukulangan na ako sa pagmamahal niya. Yun lang sinasabi niya, selfish siya, na sa interpretasyon ko ay gusto niya na mahalin ko lang siya. Kung mamahalin niya man ako ay swerte ko na. At minahal niya rin naman daw talaga ako. Malabo? Oo, ganyan na kalabo ang relasyon namin nung mga panahong iyon. Madalas na kaming mag-aaway.

Narealize ko na mahal niya nga ako, pero hindi ako ang priority niya. Kung matino kang lalake, matalino, at may itsura rin namang tulad ko (ehem), ipagpipilitan mo ba ang sarili mo sa ganyan---hindi mo nakakasama ng personal at hati pa ang atensyon kasi nga pangalawa ka lang? Pero tinanggap ko yun, kasi nga tanga ako, at mahal na mahal ko siya.

Narealize ko rin na hindi pa rin siya nakikipag-break sa akin kasi naaawa siya sa akin. O, pwede ring, gusto niya lang talaga ang ganun, maraming naghahabol sa kanya. Ako naman itong si gago, habol ng habol.

Nung mga nagkakalabuan sila ng kasintahan niya, ipinaparamdam niya sa akin na ako na ang pipiliin niya. Pero nung minsang nagka-komprontasyon kami, sinabi niya, pinakawalan niya kaming pareho. Kaya, ayun, medyo madaling tanggapin. Ibig sabihin, pwede ko siyang ligawan ulit at magiging akin na talaga siya.

Pero mali ako. Nakita ko na lang sa Facebook na binago niya ang kanyang status at sila ay kasal na raw nung kasintahan niya. Nasa trabaho ako nung nabasa ko yun. Noon ko napatunayan kung ano ang mangyayari sa matter pag nasa absolute zero ang temperature nito. Wala nang motion even at the molecular level. Iyun marahil ang sinasabi ng ibang nagmamahal na "tumigil ang mundo ko." Nahilo ako. Nung tinanong ko siya, tungkol dun, inaway pa ako. Ako pa ang nagsori.

Marami pang mga kaguluhan ang nangyari sa amin. Maraming ulit na rin akong nagdesisyon na itgil na namin ang pagmamahalan namin. Pero siya naman umiyak. Siya naman ang nagparamdam na ayaw niya. Maraming beses akong umalis at sinuyo niya ako. Paulit-ulit. Hanggang sa sinabi ko sa kanya na huwag niya na akong suyuin kung di niya rin lang naman talaga mahal at kung sasaktan niya lang ako ulit.

Bago mag-Pasko, nalaman kong, maliban pa dun sa kasintahan niya, may nakarelasyon pa siyang iba. Ibig sabihin, tatlo pala kaming parang juggler's balls na binabalanse sa ere. Tinanggap ko yun kasi nga, sabi niya, wala na raw sila. Simula nun, binawasan ko na ng mga 25% ang pagbuhos ng pagmamahal sa kanya. So, 175% na lang ang pagmamahal ko sa kanya. Tama lang yun. Sobra-sobra na rin kasi talaga ang pagmamahal ko sa kanya. Nangako naman siya na hindi niya na raw ako sasaktan. Kibit-balikat lang ako.

At dumating na nga ang Pasko. Hindi ko siya nakausap ng maayos nung panahon yun. Alam mo kung sino ang kausap niya magdamag? Yung syinota niyang sinabi niyang hiniwalayan na niya. Alam niyang nasasaktan ako pero wala siyang pakialam. Walang siyang ginawa para maibsan ang sakit na naramdam ko. Wala man lang delicadeza na iwasan ang taong yun kasi nangako siyang hindi niya na ako sasaktang muli. Pinagsalitaan pa ako ng hindi maganda nung sinabi kong wala talaga siyang special greetings for me.

Puno ng luha ang Christmas Day ko. Sa loob ng 22 years, nitong Paskong ito lang ako naging malungkot. Noon, kahit walang handa sa mesa, masaya ako. Ngayon na mas mabuti-buti na ang kalagayan namin, saka ako naging malungkot. Nag-beach kaming magpamilya noon at nandoon ako sa may dalampasigan, sa bahaging walang tao, at nag-iiiyak na parang magugunaw na ang mundo.

Hindi na kami nagtetxt nun. Pero ewan ko kung anong meron at nung mga sumunod na mga araw nagkaayos din kami. Mahal ko lang talaga siya. Nagkaayos man kami, pero nakahanda na ako sa susunod sa sakit. Binawasan ko pa ulit ng 25% ang pagbuhos ng pagmamahal ko sa kanya. Sinubukan niya namang bumawi. Na-appreciate ko naman yun.

Nagkagulo na naman kami nung mga sumunod na araw. Kaya, tuluyan na akong lumayo. Pero ako rin ang unang nag-text. Ang nung gabing iyon, inamin niya sa akin sa pangalawa nga lang ako sa mga minamahal niya. Ang pinakamahal niya ay 'yung sinabi niyang hiniwalayan na n'ya. Panghuli raw ang kasalukuyan n'yang kasintahan. Pero sinabi n'ya rin ang sa akin s'ya sasama. Ako raw ang mas pinili n'ya. Nababaliw na marahil s'ya. Pakiramdam ko, pinaglalaruan na ang damdamin ko.

Pero tinanggap ko siya ulit. Nagkaayos na kami. Ibinalik ko sa 175% ang pagmamahal ko sa kanya. Maayos na kami. May mga konting tampuhan pero mas maayos na.

Isang gabi, habang nag-uusap kami, may napansin akong kakaiba. Mukhang wala sa akin ang atensyon niya habang nagtetxt kami. Sa isip ko, baka pagod lang din siya sa trabaho. Maya-maya, nagpaalam na siyang matulog. Kaya ayun, nag-good night na kami sa isa't isa. Simubukan ko siyang i-miss call. Nalaman kong may kausap siya. Tinanong ko s'ya. Sabi niya yung kasintahan n'ya raw. Alam n'yang di ako nagseselos dun. Tumawag lang daw sandali. Akala ko, magtetxt na kami ulit kasi tapos nang tumawag kasintahan niya. Pero di n'ya ako tinitxt ng maayos. Kaya naisip ko, nag-uusap pa sila. At yun nga, nag-uusap nga sila. Durog na durog ang puso ko. Nakuha pang itanong sa akin kung paano ayusin yung nagka-IP error daw sa internet yung kasintahan niya at sinagot ko naman. Nung sinagot ko na, wala man lang "thank you." Nabreak-up into molecules ang puso ko. Sabi ko sa kanya na sobrang nadisappoint ako sa treatment niya sa akin. Sinubukan niya akong tawagan. Di ko sinagot. Imagine, pwede niya akong tawagan pero di niya man lang naisip gawin yun earlier! Hinintay niya pang masaktan ako ng todo-todo! Nalaman kong monthsary nila at bumabawi siya sa kasintahan niya. Imagine, sinabi niya pang matutulog na siya iyon pala may usapan silang mag-uusap ng gabing iyon. Liar. Imposibleng nakalimutan niyang monthsary nila kasi hindi niya nga nakakalimutan monthsary namin. Nagsori pa ako at humingi ng pasensya kasi naistorbo ko sila. Wala na akong natanggap na reply.

Hindi ako nakatulog ng gabing iyon. Paulit-ulit na nag-play sa isip ko ang mga pangako niyang hindi na ako sasaktanů na ako ang pinili niya. Nakatitig lang ako sa kawalan at namalayan ko na lang na gising na ang nanay ko at nagbubukas na ng tindahan. Pumasok ako sa trabaho na parang walang nangyari. Pero hilong-hilo na ako. I spent the whole day sa clinic. I fainted at nagpanic ang co-teacher ko. Sinubukan niya akong tawagan. Apat na beses. Hindi ko sinagot. Nagpadala siya ng MMS. Kumanta siya at nagsori. Hindi ako nagreply.

Pagdating ko sa bahay, nagtext ako. Tumawag siya. Wala. Civil lang ako. Wala akong ganang kausapin siya. Walang nag-bring up sa nangyari the night before. Parang wala lang nangyari. Nagpa-unlicall siya. The following day, palagi niya akong tinatawagan. Para kunin ang loob ko siguro.

Ayun parang normal na naman kami. Tawag pa rin siya ng tawag. Sinusulit ang unlicall niya. Minsan lang kasi. Pa-expire na siya nun sabi niya. Kaya nagtetext na lang kami. Pero puro maikli ang replies niya. Minsan nga ang tagal ng reply niya. Sabi niya, nagcha-charge siya kasi lowbatt na siya. Maya-maya, nagmiscall ako. May kausap siya. Sabi niya, tinawagan daw siya ng classmate niya at nagtanong kung ano ang scientific name ng isang uri ng isda. Paulit-ulit akong nagmiscall, magkausap pa rin sila. Tinanong niya ako kung bakit ako miscall ng miscall. Iba na ang tono niya. Reminiscent nung paraan ng pagtetext niya nung gabing hindi ako nakatulog kasi nagsinungaling siya sa akin tungkol sa monthsary nila. Naisip ko tuloy na nagsisinungaling siya ulit. Sinubukan kong tawagan yung sinabi niyang hiniwalayan niya. Busy ang numero.

Imagine, di pa ako completely healed, nagsinungaling na naman ulit! Noon na ako nagdesisyon na tama na. Ayoko na. Niloloko na ako. Once is enough. Twice is too much. Nabilang niyo ba kung ilang ulit niya akong sinaktan?

Ayan, naikwento ko na rin ang malungkot kong unang pag-ibig. Hindi na muna siguro ako magmamahal. Happy Valentine's Day na lang sa inyo!

Posted at 11:52 pm by aclworld
 

Previous Entry Home Next Entry