|
|
Ipagpatuloy ang paglalakad Ang batang kalye May konting mali dun sa pangalan ng blog ko. Una, hindi naman talaga ako bata. Ikalawa, hindi ako nakatira sa kalye. Mahilig lang talaga ako maglagalag kung gabi. Gusto ko ang maglakad-lakad at pagmasadan ang paggalaw ng syudad. Minsan din napipilitan akong maglakad kasi wala akong pamasahe. Kalaban ko lang sa aking paglalakad-lakad at pagmumuni-muni ay ang nagkalat na mga aso sa daan at ang ulan na minsan ay walang tigil. Tahimik lang akong tao. Pero, alam ko naman kung kelan dapat ako magsalita. Pero mas maigi, magsusulat na lang ako. Kasi kahit hindi naman binabasa ang mga sinusulat mo, hindi ka pagsasabihang baliw. Pero pag nagsasalita ka mag-isa, walang nakikinig sa'yo, daig mo pa ang asong ulol kung kutyain ng ibang tao. Hindi ako sanay sa salitang eksaherasyon. Tama na nga ang satsat. Nga pala, welcome sa mundo ko. Dito, libre ang mangarap. Iba ko pang Blogs Home The Journeyman Musika Central Digital Detours Poetic Attempts ![]() Pacquiao-Dela Hoya Fight Charisse Pempengco Chareese Pempengo Charice Pempengco |
Kaginhawaan Mahirap maging mahirap. Naramdaman ko ang desperasyon sa pananalita kang kasamahan kong guro. Sa susunod na taon, marahil sa email o sa telepono ko na lang siya makakausap. Balak niya kasi, mag-abroad para kumita ng pera para sa pamilya niya. Hindi sapat na mapag-aral mo ang mga anak mo. Hindi ba't gusto natin na gumanda ang buhay natin? Ayaw mo ba ng magandang bahay? Magkano ba ang makukuha mo galing sa gobyerno pagretiro mo? Isang milyon? Dalawang milyon? Para sa mahigit apat na dekada ng pagtuturo? Kaya mong kitain yan sa loob ng isang taon kung sa ibang bansa ka magtuturo? Gusto ko makapapundar ng negosyo para sa kinabukan ng pamilya ko. Todo ang pangungumbinsi niya sa akin. Minsan ko nang naipangako na malabong aalis ako ng bansa para magtrabaho. Minsan ko na ring naisulat ang mga saloobin ko tungkol sa pag-a-abroad. At noon, kung kailan iba pa ang pananaw ko sa buhay, halos buo na ang loob kong hindi ako mag-aabroad. Mahigit isang taon pa lang ako sa kasalukuyan kong trabaho at kakaunti pa lang ang karanasan ko tungkol sa pamumuhay, ngunit masasabi kong may napagnilay-nilayan na rin naman ako. At may mga bagay-bagay na pilit tumutulak sa akin na maghananap pa ng mga mapagkakakitaan at huwag ma-kontento sa pangkasalukuyang kalagayan. Noong nakaraang pasko, nakatanggap ako ng performance bonus. Pinlano kong bumili na ng sariling kompyuter at magpakabit ng sariling Internet connection. Ngunit, tulad ng inaasahan, kinapos ako. Maraming pinagkagastahan sa bahay at unti-unting naubos ang perang inilaan ko para sa kompyuter. Napagpasyahan kong ipagpaliban na muna ang plano kong iyon. Marami rin akong plano para sa bahay namin. Gusto ko sanang ipaayos ang kusina namin at makabili ng mga appliances para naman magkaroon din ng laman ang halos bakanteng bahay namin. Ngunit hindi pa rin ako nakakaipon para doon. Kung nagkakaroon man ako ng kaunting sobrang pera, nagagalaw pa rin kalaunan. Totoo nga ang sabi nila. Kapag nakatikim ka ng kaunting luho, hahanap-hanapin mo ito at mag-aasam ka pa ng higit sa naranasan mo. Nagiging materyoso na nga kaya ako? Kaya, nung ikinuwento sa akin ng kasamahan kong guro dito ang mga plano niya tungkol sa pag-aabroad, parang umiimpis ang kumbiksyon kong manatili sa bansa at magsilbi sa kapwa. Babaliin ko ba ang aking pangako? Pero ang pinakamahalagang tanong na pumipigil sa akin sa ano mang plano ng pag-aabroad ay ito: Ano ba talaga ang mahalaga para sa akin? Gusto ko ba talagang maging napakayaman? Sa palagay ko hindi. Oo, gusto ko rin ng mas maginhawang buhay pero mas maigting ang kagustuhan kong mamuhay ng simple. Naniniwala akong maabot ko pa rin ang masaganang buhay dito sa sarili nating bansa. Gusto ko pa rin ang pakiramdam ng patuloy na magsikap para matugunan ang pangangailangan. Ang pangarap ay ang isang bagay na nagbibigay sa atin ng inspirasyon sa maikli nating pananatili dito sa mundong ibabaw. Kung ngayon din ay naabot na natin ito, ano pa ang kahalagahan ng buhay? Ano pa ang dahilan natin upang gumising pa kinabukasan? Posted at 04:22 pm by aclworld
|