Magpahayag

magkwento ka, kahit ano lang...

email me: akosibatangkalye@gmail.com






Ipagpatuloy ang paglalakad


Ang batang kalye

May konting mali dun sa pangalan ng blog ko. Una, hindi naman talaga ako bata. Ikalawa, hindi ako nakatira sa kalye. Mahilig lang talaga ako maglagalag kung gabi. Gusto ko ang maglakad-lakad at pagmasadan ang paggalaw ng syudad. Minsan din napipilitan akong maglakad kasi wala akong pamasahe. Kalaban ko lang sa aking paglalakad-lakad at pagmumuni-muni ay ang nagkalat na mga aso sa daan at ang ulan na minsan ay walang tigil.

Tahimik lang akong tao. Pero, alam ko naman kung kelan dapat ako magsalita.

Pero mas maigi, magsusulat na lang ako. Kasi kahit hindi naman binabasa ang mga sinusulat mo, hindi ka pagsasabihang baliw. Pero pag nagsasalita ka mag-isa, walang nakikinig sa'yo, daig mo pa ang asong ulol kung kutyain ng ibang tao. Hindi ako sanay sa salitang eksaherasyon.

Tama na nga ang satsat.

Nga pala, welcome sa mundo ko. Dito, libre ang mangarap.



If you want to be updated on this weblog Enter your email here:



rss feed











 
Monday, February 14, 2011
Araw ng mga Puso
SINO BA kasi ang nagsabing requirement ang magkaroon ng ka-date sa Araw ng mga Puso? Sino ba kasi ang nagpauso ng pagbibigay ng chocolates at flowers? Sa Lovapalooza? Sa pagkakafully-booked ng mga hotel at mga motel? Oo. Bitter ako. Bitter na bitter. Period.

Posted at 11:33 am by aclworld
May (10) Nagbigay ng Kuru-kuro  

 
Saturday, December 18, 2010
Tenkyu
ISA NA namang malungkot na post. Nakakabagot. Meri Krismas pa naman sana.

Kanina lang, masaya naman ako eh. In fact, masayang-masaya ako kanina. Umakyat kasi kami ng Sitio Palakasam at Purok 8 Kinilis sa bayan ng Polomolok, South Cotabato upang mamigay ng regalo. Yung mga lugar na binanggit ko ay nangangalahati na halos sa Bundok Matutum, ang pinakamatayog na bundok sa rehiyon.

Masayang-masaya ako kasi nakapagpasaya na naman kami ng mga tao. Kahit papano, nakatulong naman ako upang maihatid ang mga munting regalong inipon ng mga kapwa ko bloggers para sa mga taga-roon. Kahit naging mahirap man ang pagpunta roon dahil sa init, alikabok, lubak-lubak na daan, at meron pa akong karamdaman, sulit naman kasi hindi naman matatawaran ang tuwang mababanaag sa mukha ng mga bata at pati ng kanilang mga magulang.

Nasabi ko sa sarili kong isa ito sa mga pinakamasayang Pasko sa buhay ko.

Ngayon, habang nag-aantay akong antukin, biglang sumagi sa isip ko itong isang malungkot at hindi magandang ideya. Hindi talaga siya magandang ideya dahil wala naman talaga tayong dapat inaantay na kapalit sa lahat ng kabutihang ginagawa natin para iba.

Ito ang malungkot at masamang ideyang tinutukoy ko:

Sa loob ng maraming taon, I take extra miles para makapagpasaya ng ibang tao. Meron kayang taong magti-take din ng extra miles para mapasaya ako?

Sabi ko na sa inyo eh. Hindi siya magandang ideya. Pero hindi ko mapigil ang mga luha kong dumaloy mula sa aking mga mata nang nanuot sa bawat hibla ng aking cardiac muscles and superficial na kahulugan ng hindi magandang ideyang bigla na lang sumagi sa aking isipan.

Naisip ko tuloy ang physics: kung kelan puno ng positive energy ang puso mo, saka dumarating ang mga negative energy. Kung gaano ako kasaya kanina, ganito naman ako kalungkot ngayon.

Kaya heto, para maibsan ang labis na kalungkutang nadama ko dahil sa masamang ideyang ito, ibinuhos ko sa buong word wide web ang di magandang emosyong ito.

Gayunpaman, gusto ko pa ring mag-tekyu kasi naramdaman ko na naman ito ngayon. Sa mga pagkakataong tulad nito kasi, mas nauunawaan ko kung anong klaseng tao ako, at kung ano mga bagay na pinahahalagahan ko. Sa mga panahong ikaw ay mahina at walang kakampi, saka mo makikita ang tunay na ikaw: walang cover-ups.

Ayun, maligayang pasko sa inyong lahat! Iwaksi ang mga hindi magandang ideya!

Posted at 11:51 pm by aclworld
 

 
Thursday, December 09, 2010
Pagsubok
SA MGA pelikula, ang isang hero, bago tuluyang pagkalooban ng kapangyarihan at responsibilidad, ay dumadaan muna sa mga pagsubok. Ang mga pagsubok na ito ay kadalasang nagbubunyag sa tunay na katauhan ng isang tao at sumusukat sa kanyang kakahayahan at mga katangian, at siyang makakapagsabi kung siya ay karapat-dapat sa kapangyarihan at responsibilidad na iaatang sa kanyang balikat.

Hindi ito nalalayo sa tunay na buhay. Ang kaibahan lang -- maliban sa special effects -- ay hindi palaging nagwawagi ang bida. Kadalasan, ang bida ay natatalo, namamatay, at kinakalimutan. Kagaya ko. Sumailalim din ako sa mga pagsubok. At pauli-ulit na natalo. Kung pelikula to, dapat bumabangon ako mula sa pagkakalugmok, at sa bandang huli ay magwawagi. Pero hindi eh. Kaya, kailangang tanggapin ang pagkatalo at patuloy na maglakad at baka sakaling may mga pagsubok na maaring mapagwagian.

Naranasan ko na ring magbigay ng pagsubok. Madalas, ibinibigay ko ang pagsubok sa mga taong nagsasabing mahalaga ako sa kanila. Madali kasing sabihing "mahalaga ka sa akin," "mahal kita," "di kita ipagpapalit," "ikaw ang buhay ko" at kung anu-ano pa.

Maraming paraan upang malaman kung totoo ngang mahalaga ka para sa isang tao.

Ako, kung mahal ko ang isang tao, ipaparamdam ko sa kanya bawat segundo kung gaano ko siya kamahal. Handa akong magsakripisyo para sa kanya. At kung susuklian niya ang pagmamahal na ito, lubos kong ikakaligaya.

Ang mga sumusunod ay mga simpleng batayan kung totoong mahal ka ng isang tao:

1. Kaya niyang maglaan ng oras para sa'yo.

Ang taong busy ay may oras para sa lahat ng bagay. Busy akong tao. Madaming nakaatang sa balikat ko. Ngunit kapag nangako akong mahalaga ka sa akin, maglalaan ako ng oras sa'yo. At kung may mga pagkakaton na hindi talaga maaring mapaglaanan kita ng oras, ipapaliwanag ko ng mabuti sa'yo bago ang naka-planong gawain o kung bigalaan man ito, sisikapin kong ipaunawa sa'yo pagkatapos.

Kung nangako ang taong mahal mo na mahal ka niya noong mga panahong wala siyang ginagawa, magduda ka na. Ikaw ay pampalipas oras lang. Kapag siya ay biglang naging abala, makakalimutan ka na.

2. Kung talagang gusto, may paraan. Kung hindi naman, maraming dahilan.

May mga taong mahilig lang talagang magdahilan. Minsan ang weirdo pa ng mga idadahilan. Yung magsasabing wala siyang panahon pero may panahon siya para sa iba. Eh, huling-huli naman. Kalokohan na yan. Yung mga tipo ng taong kaya niya naman gawin para sa'yo, eh di niya ginagawa. Yung tipong noong wala pa siyang resources ay nilo-loadan mo pa para magkausap kayo at ngayong bumuti-muti na ang kalagayan ay di na magawang magtext man lang. Wag nang pag-aksayahan ng panahon ang mga 'yan.

Kung di niya kayang magsakripisyo para sa'yo, di ka mahal niyan. May ibang mga bagay na mas importante para sa kanya.

3. Kung mahal ka niya, hindi ka niya papaasahin.

May mga tao ring mahilig magpa-asa. Kung totoong mahal ka ng tao, di ka niya hahayaang umasa sa wala. Kapag pinapaasa ka niya, sarili niya lang ang mahal niya. Masaya lang siyang may nagmamahal sa kanya.

4. Kung mahal ka niya, hindi ka niya pagmumukhaing tanga. Nirerespeto ka niya.

Matutuwa ka di ba kapag tinatawagan ka? Aminin. Pakiramdam mo importante ka. Pero minsan, bago ka matuwa, tanungin mo muna kung bakit ka niya tinatawagan? Gusto ka ba niya talagang makausap o sinusulit lang ang unlicall? O baka wala lang talaga siyang ibang makausap? O baka broken-hearted lang siya?

O baka gusto niya lang magbigay ng impresyon na hindi ka niya nakakalimutan? Tingan mo muna baka naka-conference call ka pala, di lang umiimik yung nasa kabilang linya. Badtrip di ba?

5. Kung totoong mahal ka ng tao, ilang ulit man siya masaktan, mananatili pa rin.

Pag sinabi ng isang mahal ka niya at nasaktan mo minsan, iniwan ka na. Mahal ka lang niya habang napapaligaya mo siya. Kapag di na yan masaya sa'yo, ibabasura ka na.

'Yan yung mga pagsubok na binigay ko sa mga taong nagsabing mahal nila ako. Sa kasawiang-palad, di sila pumasa. Di nila kayang panindigan ang kanilang mga sinabi.

Kaya, ngayon, ang batang kalye ay certified miyembro na ng SMP.


Posted at 06:46 pm by aclworld
May (24) Nagbigay ng Kuru-kuro  

 
Monday, October 18, 2010
Happy New!

KUNG ENGLISH sana ang gamit kong salita sa blog kong ito, and pamagat dapat ng post naito ay "Turning Over a new Leaf." Pero sa kadahilanang Tagalog ang gamit ko at dahil hindi na ako emo, kaya ang title nitong post na 'to ngayon ay 'yang nababasa mo sa taas.

Pero teka, English din pala 'yan ah!

Ay, hinde. Salitang Pinoy 'yan. Tayo lang naman ang nagsasabi ng Happy new hair, happy new bag, ahppy new blog, happy new love life!

Lovelife? Speaking of lovelife, may bago nga pala akong lovelife. Kaya, natatawa na lang ako sa kadramahan ng mga naunang kong posts. Bobo nga pala talaga ako sa pag-ibig. Bopols. Tsk3.

Pero hindi na siguro masyado ngayon. May natutunan na ako.

Una, mahalin mo ang taong nagmamahal sa'yo ng todo-todo.áSelf-explanatory na 'yan ha at ayoko nang mag-elaborate.

Ikalawa, magmahal ka ng taong busy. Yung masyadong busy para magkaroon ng panahong maghanap ng iba. Yung mga walang ginagawa kasi, gagawin ka lang pamatay-oras. Itetext ka ng itetext. Tatawagan. Tuwang-tuwa ka naman kasi akala mo gustung-gusto ka niya. Gusto lang pala ng kausap at kapag nagsawa na sa'yo, maghahanap na naman ng iba. Tsk3.

Ikatlo, magmahal ka ng taong prangka. Yung tipong transparent. Wag ka dun sa mga taong mahilig magsabi ng "okay lang." Di mo lang namamalayan, unti-unti na palang nawawala sa'yo. Mas mabuti tang masaktan sa katotohanan kaysa magmukhang tanga sa kasinungalingan.

Ikaapat, mahalin mo 'yung taong detalyado kung magkwento. At tandaan mo ang detalye ng mga kinukwento niya. Ang isda ay nahuhuli sa bibig. Kadalsan yung mga detalyo magkwento ang nagsasabi ng totoo. Pag masaydong general ang mga statement, naku, gumagawa lang yan ng alibi.

Ikalima, magmahal ka ng taong nakikipagdiskusyon sa problema ninyong dalawa. Mas maigi nang napapag-uusapan ninyo ang mga problema ninyo. Yung ayaw makipag-usap, kadalasan, guilty.

Ayun. Happy new sa akin. Mas matapang at mas matibay na ngayong ang Batang Kalye sa larangan ng pag-ibig.


Posted at 07:40 pm by aclworld
 

 
Monday, June 14, 2010
Hanggang sa dulo ng walang hanggan
ANG HIRAP magmahal. Nitong mga nakaraang araw dumaan na naman sa matinding pasakit ang puso ko. Ang hirap pala kapag naging sobrang emotionally dependent ka na sa isang tao. Kagaya nang palagi kang umaasa na pag nagtext ka, may makukuha kang reply. Tapos isang araw, bigla na lang nagmo-monologue ka na.

Ganito kasi yun. Wala siyang load. Kadalasan, pinapasahan ko naman siya. Lalo na kapag may pinag-uusapan kaming mahalaga. Eh, medyo gipit lang din ako nitong mga huling araw kasi may mga pinaglalaanan din ng kaunting pera, kaya di ko na muna siya binigyan ng load. At saka, ayoko ko rin na mamihasa siya, kahit gustung-gusto ko naman talagang bigyan siya, tinitiis ko na lang. Usapan kasi namin na kahit di nagrereply ang isa sa amin, magte-text pa rin kami ng updates. Yung nga ginawa ko. Nag-monologue ako nitong mga nakaraan. Pagkagabi, gusto ko siyang tawagan. Ngunit nung sinubukan ko na, "The number you have dialed is either unattended or out of coverage area," ang sagot ng kabilang linya. Sinubukan ko ulit.

Pauli-ulit. Hanggang lumalim na ng lumalim ang gabi. Marami nang pumasok sa isip ko. Hindi ko mawari kung ano na ang nangyari sa kanya. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Pero hindi pa muna ako nag-conclude. Alam ko, kung may importanteng pangyayari, gagawa yung ng paraan para ipaalam sa akin. Pero hindi nung gabing iyon. Hinintay ko siya. Sabi ko, hindi ako matutulog hangga't di ko malalaman kung bakit bigla siyang nawala. Nag-online ako, umaasang may eksplanasyon. Pero wala. Ayun, nakatulala na lang sa kisame na parang nagka-out-of-body experience.

Lampas hatinggabi, nag-beep ang cellphone ko. Nahimasmasan ako. "Naki-insert lang ako. Nasa ospital ako. Empty batt. Nakabaril ang tatay ng friend ko. Lowbatt na rin siya. Don't call. Wala rin akong load. Last text na 'to." Natigilan ako. Di ko alam kung paano mag-react. Siyempre, worried ako. Sabi ko na lang na mag-iingat siya. Kahit anong pilit ko, di ako makatulog.

Kinaumagahan, nangumusta ako. Sinubukan kong tawagan siya, baka pwede na. Pero ayun, unattended na naman. Di ko na alam ang iisipin o gagawin nung mga panahong iyon. Whew. Kaarawan ng nanay ko nun. Nasa beach kami. Windang talaga ako. Nanariwa yung mga nangyari nung pasko. Ganun din, nasa beach din kami nun. At ganun din ako ka-lungkot. Matapos ang mahabang paghihintay at makailang ulit na pagsubok na tawagan siya, nakontak ko na rin siya. Halos 48 hours na unattended ang phone niya na hindi ko maintindihan. Maikli lang ang pag-uusap naming. Tapos bigla na lang, may pupuntahan siyang isla para sa isang research. Tapos mahina raw signal dun.

Ilang araw ko rin siyang hindi nakausap ng maayos. Nagpaka-busy ako sa imuumpisahan kong maliit na negosyo, pero walang minutong hindi siya sumagi sa isip ko. Nung makabalik na siya, parang hindi niya lang ako na-miss. Sa kabila ng pagsisikap kong makausap siya, parang wala lang sa kanya. Unli naman siya, ang tipid pang magtext. At andami pang ginagawang iba. Sa medaling salita. Hindi ako mahalaga sa kanya. Hindi niya kayang magsakripisyo para sa akin. Hindi niya kayang gumawa ng kahit kaunting pabor sa akin. Hindi ko naman hinihingi ng tumbasan niya ang pagmamahal ko. Ang iparamdam sa akin na inaalala niya rin ako at bukas sa loob niya yun, ay sapat na sa akin. Pero mukhang hindi talaga.

Pero hindi ko magawang pakawalan siya. Hindi ko kayang mawala siyang muli. Ganito na lang ba hanggang sa dulo ng walang hanggan?

Posted at 01:08 am by aclworld
May (4) Nagbigay ng Kuru-kuro  

 
Friday, March 12, 2010
Tanga

TOTOO NGA sigurong kaya mong magtanga-tangahan para sa mahal mo. Handa kang kalimutan lahat alang-alang sa mahal mo.

Mahal pa rin kita...

Sayang lang ng mga ginagawa ko para manatili ka lang sa piling ko...

...para di ka mapunta sa iba.

Hndi mo nga siguro talaga ako mahal.

Oo, hindi mo ako mahal.

Sana sabihin mo na lang sa akin ng diretso.

Sabihin mong ayaw mo sa akin.

Sana hindi mo na lang pinaramdam sa akin na mahal mo ako....

...iiwan mo lang pala talaga ako.

Ayoko nang magpakatanga.

Dapat na talaga kitang pakawalan.

Estupidong puso 'to.

Ikaw pa rin kasi ang sigaw.

Kahit anong pilit kong kalimutan ka...

...na layuan ka

at huwag kang hanapin....

pero nagungulila ako sa'yo bawat oras.

Akala ko kailangan lang natin ng space.

Iyon pala...

... nang nagkaroon ng konting space...

...may nakasingit na....

wala na akong lugar.

Wala na akong halaga.

Mga tira-tirang panahon mo na lang ang laan para sa akin.

Kahit alam kong dapat na kitang pakawalan...

...parang di ka naman kayang gawin.

Potek na pag-ibig 'to.


Posted at 06:13 pm by aclworld
May (10) Nagbigay ng Kuru-kuro  

 
Thursday, February 25, 2010
Kape

HINDI AKO coffee addict. Di ko lang matiis na di lumagok sa loob ng isang araw nitong maitim, mapait-pait, at matamis na likidong nagbibigay buhay sa aking dugo.

Pero hindi ito tungkol sa kape na iniinum tuwing umaga. Hindi ito tungkol sa kung ano ang gusto kong timpla o sa paborito kong coffee shop.á

Tungkol ito sa isang bagong kaibigan. Hindi man siya inumin, siya ay nakakapatid ng uhaw. Hindi man siya alak, siya ay nakakalasing. Hindi man siya yung tipong intelektwal, siya ay nakakapag-stimulate ng pag-iisip.

Noong nakaraang taon ko pa siya nakilala. Kakaiba siya sa grupo. Maingay. Makwento. Walang dull moments tuwing katambayan namin siya. Siya 'yung tipong maraming nasasabi tungkol sa kung anu-ano. Kapag nagkukuwento, kanya ang palaging spectacular. Parang kapag nagkukuwento siya ay laging "wala 'yan sa lolo ko." Kwela minsan. Minsan naman hindi.

Nawala siya nung mga panahong naramdaman niyang hindi na siya welcome sa grupo.

Nitong mga huling linggo, nakipagkita siya sa akin. Sa akin lang siguro siya mukhang kampante kasi nakikinig naman kasi talaga ako eh. Kahit kanino. Hindi rin ako masalita kaya hindi siya mababara.

Taliwas sa inaasahan ko ang naging pagkikita naming 'yun. May kaibahan na akong napansin. Parang I can see his soul through his eyes. Parang winaksi na niya ang pader na nakapalibot sa kanyang tunay na pagkatao. Yung pagiging kwela niya ay bahagi lamang ng kanyang personalidad at 'yun lang ang gusto niyang ipakita.

Maraming siyang hangups sa buhay. Dumaan din ako sa ganung estado. Yung tipong sobrang daming pinagsisisihan. Nag-uumapaw ang kagustuhang mabago ang kalagayan.

Birthday niya kahapon. Lumabas kami. Uminom konti. Sa loob ng mga tatlong oras, malaliman ang aming pag-uusap. May mga pagkakatulad din ang aming mga kwento at ilang prinsipyo. Magkaiba lang kami ng diskarte sa pagharap ng kani-kaniyang problema.á

Idol ang tawag niya sa akin. Pero bilib ako sa kanya. Masasabi kong malawak ang kanyang karanasan sa buhay. Maraming siyang alam. Hindi niya nga lang hinarap ng maayos ang mga naging problema o naging biktima siya ng kawalan ng mapagpipilian.

Pagkatapos ng aming usapan, sa palagay ko, mas may direksyon na ang pag-iisip niya. Hindi ako 'yung tipong nagbibigay ng advice. Matanong lang ako. Hinayaan ko lang siyang bumuo ng kanyang mga teorya at resolusyon.

Ako man ay mas nagkaroon ng malalimang pag-unawa sa aking sarili dahil sa aming pag-uusap.Habang nagsasalita siya, parang nailalabas ko na rin ang mga ideyang hindi ko maipahayag sa salita. Naiinggit nga ako sa kakayahan niyang sabihin lahat ng nasa isip niya.

Si Kape ay hindi pangkaraniwan.á


Posted at 09:17 am by aclworld
May (24) Nagbigay ng Kuru-kuro  

 
Saturday, February 13, 2010
Balentayms
HINDI NAMAN talaga big deal sa akin ang Valentine's Day. Noon.

Minsan naisip ko, masyadong brutal si Lord. Una, pinagkait n'ya sa akin ang isang masayang Pasko. Ikalawa, mukhang malungkot na Valentine's Day ang inihahanda n'ya sa akin.

Perfect timing. Tsk3.

Sabagay, sanay na rin naman akong loveless tuwing Valentine's Day. As in zero. Null. Nada. Wala. So, eh ano ngayon kung wala na kami talaga?

Looking at the bright side of things, mabuti na rin at wala na kaming komunikasyon ngayon. Kung magkakaayos na naman kami ulit, baka mangyari na naman ulit ang kinatatakutan ko. Baka tumaon na sa birthday ko ang kalungkutan. Ayoko naman yatang mangyari yun.

Ngayon, at nabawasan na ang kailangan kong intidihin, may panahon na ako para sa iba pang gusto kong gawin sa buhay ko.

  • Mas mahaba na ang time ko para mag-blog.

  • Wala na akong iintidihin taong nalulungkot at kailangang damayan at pasayahin.

  • Mas mapapag-igi ko na ang trabaho ko.

  • Mas makakapag-usap na kami ng nanay ko at mga tao dito sa bahay.


Pero kagaya nga nung kantang Bluer than Blue, kahit ano pang gawin kong pag-console sa sarili ko na masaya ako at wala na siya, alam kong punung-puno ako ng kalungkutan.

Happy Valentine's Day na lang sa mga nagmamahal at minamahal.

Posted at 01:43 am by aclworld
May (12) Nagbigay ng Kuru-kuro  

 
Friday, February 12, 2010
Unang Pag-Ibig, Unang Kabiguan
AYOKO NA sanang magkwento pa tungkol sa isang malungkot na bagay. Pero mukhang wala na akong magagawa. Ibubuhos ko na bago pa tuluyang sumabog sa dibdib ko.

Oo, umibig na ako. Umibig na ang batang kalye. Ang ikukwento ko sa inyo ay tungkol sa maituturing kong unang pag-ibig. Minsan na ring tumibok ang puso ko. Minsan na rin akong nakipagsapalaran sa larangan ng pagmamahal. Pero sa pagkakataong ito lamang ako nagseryoso. Kaya, ito nga talaga ang una kong pag-ibig. Siya ang una kong minahal ng lubusan. Si Tina ang una kong pag-ibig.

Kung love stories ang pag-uusapan, madalas kinukwento ang unang pagkikita. Pero wala akong maikukwentong ganun, kasi, mahirap mang paniwalaan, di pa kami nagkikita ng personal. Kahit nga hi-tech na ang panahon ngayon, kahit sa webcam man lang sana, di pa kami nagkaharap. Pero sa loob ng halos walong buwan naming nag-uusap, halos kilalang-kilala na namin ang isa't isa.

Nagkakilala kami sa isang trivia game sa isang chatroom. Ako ang game master. Isa siya sa mga sumasagot. Madali ko siyang napansin kasi sa lahat ng nasa chatroom, siya ang madalas na may matinong sagot. Maloko din siya minsan pero alam kong may alam siya. Matalino. Yun ang una kong requirement. Gusto ko 'yung masarap kausap. Yung tipong kahit ano ang pag-uusapan ay may say. Sa puntong 'yun, palagay ko, siya ang makakasundo ko.

Nagdaan pa ang maraming trivia games. Ilang araw din ang lumipas bago ko siya hiningan ng ID para maidagdag ko siya sa buddy list ko. Ayun, private messaging konti. Nakipagkilala. At ayun, nalaman kong hindi pala siya taga-rito sa probinsya namin. Pumapasok lang pala siya sa chatroom na para sa mga taga-rito kasi may kasintahan siya dito. Taga-Dapitan City siya. Graduate ng Marine Biology sa isang unibersidad doon. Tapos 'yun, nagcha-chat lang pa rin kami sa room, walang anumang espesyal na pagtingin para sa isa't isa.

Isang hatinggabi, iilan na lang kami sa room. Bigla siyang nagkwento na kagigising lang daw niya mula sa isang masamang panaginip. Tinanong ko siya kung ano ang napanaginipan niya. Naka-unlimited calls pala ako nung gabing yun kaya hiningi ko na rin ang number niya para matawagan ko siya. Game naman siya. Yun ang una naming pag-uusap at inabot na kami ng umaga.

Ilang hatinggabi rin kaming nag-uusap tungkol sa kung anu-ano. Kinaumagahan, magte-text na naman. Hindi talaga ako 'yung tipong kiti-kitxt. Pero nang dahil sa kanya, nagpapa-unli ako. Pinagtiyagaan kong makipagmorningan sa kanya. Hindi ko na iniisip kung may pasok pa kinabukasan. Kapag kausap ko siya, pakiramdam ko, sa kanya lang umiikot ang mundo ko. Napapatawa niya ako ang todo, ipinaramdam niya sa akin na mahalaga rin ako sa kanya.

At ako nga ang unang nag-"I love you." Dala ng kalasingan, naibulalas ko rin sa kanya ang tunay kong nararamdaman. Nabigla siya kasi nga, alam ko namang may kasintahan na siya. Pero tinanggap niya rin ang proposal ko. Subukan daw naming for a week. Pagkatapos ng isang linggo raw saka siya magdedesisyon kung itutuloy namin. Lumipas ang isang linggo na hindi namin namalayan, dala na rin marahil ng sobrang pagkagiliw namin sa isa't isa.

Lumalim ang aming relasyon. Naging dependent kami sa isa't isa. Siya na ang naging almusal, pananghalian, hapunan, at midnight snacks ko. Ikamamatay ako kung iiwan niya ako. Kaya palagi ko siyang tinatanong kung mahal niya ba talaga ako dahil mahal ko na siya ng higit sa buhay ko. Oo naman daw. Gusto ko nga i-quantify niya, pero sabi niya di na raw kailangan.

Siya ang nagturo sa akin kung paano mag-text. Kapag nagtetext pala, dapat hindi lang isang salita o tatlo. Dapat mahaba. Dapat palagi kang nagtatanong kung ano ang ginagawa. Kailangan antayin muna ang reply bago magkwento ng detalyado. Higit pa riyan, siya ang nagturo sa akin kung paano magmahal. Sa kanya ko naramdaman ang kakaibang tibok ng puso. Yung tipong gagawin mo ang lahat para sa kanya. Kung pwede lang liparin ko ang distansyang naghihiwalay sa amin.

Kalaunan, parang may mali. Bigla siyang lumamig. Ako rin, naging abala sa napakaraming bagay. Ganunpaman, hindi nagbabago ang pagmamahal ko sa kanya. Hinahanap ko pa rin siya araw-araw, oras-oras. Pero sadyang may mali talaga.

Nagseselos siya sa mga kasama ko sa gimik. Ako, pinagseselosan din ang iba niyang katext, lalo na yung iba pang tumatawag sa kanya. Naisip ko rin na baka isa lang ako sa koleksyon niya. Para kasing naghahanap siya ng taong magmamahal sa kanya. Sinabi niya rin naman sa akin sa selfish siya. At panay ang sori niya kung minsang nakukulangan na ako sa pagmamahal niya. Yun lang sinasabi niya, selfish siya, na sa interpretasyon ko ay gusto niya na mahalin ko lang siya. Kung mamahalin niya man ako ay swerte ko na. At minahal niya rin naman daw talaga ako. Malabo? Oo, ganyan na kalabo ang relasyon namin nung mga panahong iyon. Madalas na kaming mag-aaway.

Narealize ko na mahal niya nga ako, pero hindi ako ang priority niya. Kung matino kang lalake, matalino, at may itsura rin namang tulad ko (ehem), ipagpipilitan mo ba ang sarili mo sa ganyan---hindi mo nakakasama ng personal at hati pa ang atensyon kasi nga pangalawa ka lang? Pero tinanggap ko yun, kasi nga tanga ako, at mahal na mahal ko siya.

Narealize ko rin na hindi pa rin siya nakikipag-break sa akin kasi naaawa siya sa akin. O, pwede ring, gusto niya lang talaga ang ganun, maraming naghahabol sa kanya. Ako naman itong si gago, habol ng habol.

Nung mga nagkakalabuan sila ng kasintahan niya, ipinaparamdam niya sa akin na ako na ang pipiliin niya. Pero nung minsang nagka-komprontasyon kami, sinabi niya, pinakawalan niya kaming pareho. Kaya, ayun, medyo madaling tanggapin. Ibig sabihin, pwede ko siyang ligawan ulit at magiging akin na talaga siya.

Pero mali ako. Nakita ko na lang sa Facebook na binago niya ang kanyang status at sila ay kasal na raw nung kasintahan niya. Nasa trabaho ako nung nabasa ko yun. Noon ko napatunayan kung ano ang mangyayari sa matter pag nasa absolute zero ang temperature nito. Wala nang motion even at the molecular level. Iyun marahil ang sinasabi ng ibang nagmamahal na "tumigil ang mundo ko." Nahilo ako. Nung tinanong ko siya, tungkol dun, inaway pa ako. Ako pa ang nagsori.

Marami pang mga kaguluhan ang nangyari sa amin. Maraming ulit na rin akong nagdesisyon na itgil na namin ang pagmamahalan namin. Pero siya naman umiyak. Siya naman ang nagparamdam na ayaw niya. Maraming beses akong umalis at sinuyo niya ako. Paulit-ulit. Hanggang sa sinabi ko sa kanya na huwag niya na akong suyuin kung di niya rin lang naman talaga mahal at kung sasaktan niya lang ako ulit.

Bago mag-Pasko, nalaman kong, maliban pa dun sa kasintahan niya, may nakarelasyon pa siyang iba. Ibig sabihin, tatlo pala kaming parang juggler's balls na binabalanse sa ere. Tinanggap ko yun kasi nga, sabi niya, wala na raw sila. Simula nun, binawasan ko na ng mga 25% ang pagbuhos ng pagmamahal sa kanya. So, 175% na lang ang pagmamahal ko sa kanya. Tama lang yun. Sobra-sobra na rin kasi talaga ang pagmamahal ko sa kanya. Nangako naman siya na hindi niya na raw ako sasaktan. Kibit-balikat lang ako.

At dumating na nga ang Pasko. Hindi ko siya nakausap ng maayos nung panahon yun. Alam mo kung sino ang kausap niya magdamag? Yung syinota niyang sinabi niyang hiniwalayan na niya. Alam niyang nasasaktan ako pero wala siyang pakialam. Walang siyang ginawa para maibsan ang sakit na naramdam ko. Wala man lang delicadeza na iwasan ang taong yun kasi nangako siyang hindi niya na ako sasaktang muli. Pinagsalitaan pa ako ng hindi maganda nung sinabi kong wala talaga siyang special greetings for me.

Puno ng luha ang Christmas Day ko. Sa loob ng 22 years, nitong Paskong ito lang ako naging malungkot. Noon, kahit walang handa sa mesa, masaya ako. Ngayon na mas mabuti-buti na ang kalagayan namin, saka ako naging malungkot. Nag-beach kaming magpamilya noon at nandoon ako sa may dalampasigan, sa bahaging walang tao, at nag-iiiyak na parang magugunaw na ang mundo.

Hindi na kami nagtetxt nun. Pero ewan ko kung anong meron at nung mga sumunod na mga araw nagkaayos din kami. Mahal ko lang talaga siya. Nagkaayos man kami, pero nakahanda na ako sa susunod sa sakit. Binawasan ko pa ulit ng 25% ang pagbuhos ng pagmamahal ko sa kanya. Sinubukan niya namang bumawi. Na-appreciate ko naman yun.

Nagkagulo na naman kami nung mga sumunod na araw. Kaya, tuluyan na akong lumayo. Pero ako rin ang unang nag-text. Ang nung gabing iyon, inamin niya sa akin sa pangalawa nga lang ako sa mga minamahal niya. Ang pinakamahal niya ay 'yung sinabi niyang hiniwalayan na n'ya. Panghuli raw ang kasalukuyan n'yang kasintahan. Pero sinabi n'ya rin ang sa akin s'ya sasama. Ako raw ang mas pinili n'ya. Nababaliw na marahil s'ya. Pakiramdam ko, pinaglalaruan na ang damdamin ko.

Pero tinanggap ko siya ulit. Nagkaayos na kami. Ibinalik ko sa 175% ang pagmamahal ko sa kanya. Maayos na kami. May mga konting tampuhan pero mas maayos na.

Isang gabi, habang nag-uusap kami, may napansin akong kakaiba. Mukhang wala sa akin ang atensyon niya habang nagtetxt kami. Sa isip ko, baka pagod lang din siya sa trabaho. Maya-maya, nagpaalam na siyang matulog. Kaya ayun, nag-good night na kami sa isa't isa. Simubukan ko siyang i-miss call. Nalaman kong may kausap siya. Tinanong ko s'ya. Sabi niya yung kasintahan n'ya raw. Alam n'yang di ako nagseselos dun. Tumawag lang daw sandali. Akala ko, magtetxt na kami ulit kasi tapos nang tumawag kasintahan niya. Pero di n'ya ako tinitxt ng maayos. Kaya naisip ko, nag-uusap pa sila. At yun nga, nag-uusap nga sila. Durog na durog ang puso ko. Nakuha pang itanong sa akin kung paano ayusin yung nagka-IP error daw sa internet yung kasintahan niya at sinagot ko naman. Nung sinagot ko na, wala man lang "thank you." Nabreak-up into molecules ang puso ko. Sabi ko sa kanya na sobrang nadisappoint ako sa treatment niya sa akin. Sinubukan niya akong tawagan. Di ko sinagot. Imagine, pwede niya akong tawagan pero di niya man lang naisip gawin yun earlier! Hinintay niya pang masaktan ako ng todo-todo! Nalaman kong monthsary nila at bumabawi siya sa kasintahan niya. Imagine, sinabi niya pang matutulog na siya iyon pala may usapan silang mag-uusap ng gabing iyon. Liar. Imposibleng nakalimutan niyang monthsary nila kasi hindi niya nga nakakalimutan monthsary namin. Nagsori pa ako at humingi ng pasensya kasi naistorbo ko sila. Wala na akong natanggap na reply.

Hindi ako nakatulog ng gabing iyon. Paulit-ulit na nag-play sa isip ko ang mga pangako niyang hindi na ako sasaktanů na ako ang pinili niya. Nakatitig lang ako sa kawalan at namalayan ko na lang na gising na ang nanay ko at nagbubukas na ng tindahan. Pumasok ako sa trabaho na parang walang nangyari. Pero hilong-hilo na ako. I spent the whole day sa clinic. I fainted at nagpanic ang co-teacher ko. Sinubukan niya akong tawagan. Apat na beses. Hindi ko sinagot. Nagpadala siya ng MMS. Kumanta siya at nagsori. Hindi ako nagreply.

Pagdating ko sa bahay, nagtext ako. Tumawag siya. Wala. Civil lang ako. Wala akong ganang kausapin siya. Walang nag-bring up sa nangyari the night before. Parang wala lang nangyari. Nagpa-unlicall siya. The following day, palagi niya akong tinatawagan. Para kunin ang loob ko siguro.

Ayun parang normal na naman kami. Tawag pa rin siya ng tawag. Sinusulit ang unlicall niya. Minsan lang kasi. Pa-expire na siya nun sabi niya. Kaya nagtetext na lang kami. Pero puro maikli ang replies niya. Minsan nga ang tagal ng reply niya. Sabi niya, nagcha-charge siya kasi lowbatt na siya. Maya-maya, nagmiscall ako. May kausap siya. Sabi niya, tinawagan daw siya ng classmate niya at nagtanong kung ano ang scientific name ng isang uri ng isda. Paulit-ulit akong nagmiscall, magkausap pa rin sila. Tinanong niya ako kung bakit ako miscall ng miscall. Iba na ang tono niya. Reminiscent nung paraan ng pagtetext niya nung gabing hindi ako nakatulog kasi nagsinungaling siya sa akin tungkol sa monthsary nila. Naisip ko tuloy na nagsisinungaling siya ulit. Sinubukan kong tawagan yung sinabi niyang hiniwalayan niya. Busy ang numero.

Imagine, di pa ako completely healed, nagsinungaling na naman ulit! Noon na ako nagdesisyon na tama na. Ayoko na. Niloloko na ako. Once is enough. Twice is too much. Nabilang niyo ba kung ilang ulit niya akong sinaktan?

Ayan, naikwento ko na rin ang malungkot kong unang pag-ibig. Hindi na muna siguro ako magmamahal. Happy Valentine's Day na lang sa inyo!

Posted at 11:52 pm by aclworld
 

 
Sunday, January 10, 2010
Babalik Ka Rin
*Paalala: Hindi ako nagdadahilan lang. Kung marami mang pagkakamali sa pag-type, iyon ay dahil sa sira ang keyboard na ginagamit ko. Paumanhin po.

"Kay tagal mo nang nawala, babalik ka rin..."

Galing 'yan sa sikat na kanta ni Gary V. Alay n'ya yata sa mga nangingibang bansa. Ewan. Di ko kapanahunan 'yan. Biro lang.

Pero hindi tungkol sa pag-aabroad itong sinusulat ko. Hmm... marami na akong nasabi tungkol dun. Iba naman ngayon.

Tungkol ito sa mga bagay na gusto kong balikan. Hindi ex-gf. Wala ako nun.

Ewan ko nga ba kung bakit may mga bagay na matagal nang lumipas, masaya man o malungkot, ay--dumarating ang panahon--gusto nating balikan at alalahanin.

Katulad na lamang nitong blog kong ito. Isang taon din akong nanahimik dito. Ngayon, naisipan kong magsulat ulit. Nakaka-miss magsulat sa Filipino. Bagama't may nagsabing pinaka-masahol na lengwahe sa buong mundo ang Tagalog, may kakaibang hagod sa puso kapag nailabas mo ang saloobin sa sariling wika. Ayoko nang pahabain pa ang diskusyon tungkol d'yan. Pinag-uuspan na yan ngayon sa buong bansa at sa buong mundo. Sigurado.

Balik ulit tayo dun sa sinusulat ko tungkol sa bagay na gusto kong balikan. Haha. Nawala ako dun ah. Yun nga, may mga bagay na pilit nating iniiwan, di pa rin nating kayang tuluyang talikuran.

Hindi ko tuluyang maiwan ang blog kong ito sa maraming dahilan. Dito ko kasi naisulat ang mga pinakamagagandang alaala. Kakaunti man, hindi ko makakalimutan. Kaya, heto na naman ako, sisimulan na namang umukit ng aking simpleng kasaysayan.

Sa loob ng mahigit dalawang taon, sinubukan kong kabisaduhin ang buhay at napagtanto kong imposible pala 'yun. Ang buhay ay tulad ng isang babae--sumpungin. Ganunpaman, mahalagang aralin natin at balikan ang lahat ng mga nangyari sa buhay natin. Kahit saan man tayo makarating, ang ating nakaraan ay patuloy na magiging bahagi ng ating buhay. Babalik ka rin.

Posted at 09:47 pm by aclworld
May (6) Nagbigay ng Kuru-kuro  

Next Page